INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang mga pribado at pampublikong sektor na pabilisin ang pagkumpleto ng lahat ng water projects sa Pilipinas.
Sinabi ni Pangulong Marcos na ang kautusang ito ay bahagi ng sama-samang pagsisikap na mapabuti ang water security at matugunan ang potensiyal na kakulangan ng tubig sa bansa.
Nabanggit ito ng Punong Ehekutibo sa kaniyang talumpati sa inagurasyon ng Davao City Bulk Water Supply Project sa Davao City nitong Miyerkules, Pebrero 7, 2024.
Ang Davao City Bulk Water Supply Project ay isa sa pinakamalaking pribadong bulk water supply facility sa bansa sa ilalim ng Apo Agua Infrastructura Inc. katuwang ang Davao City Water District (DCWD).
“The Davao City Bulk Water Supply project is also a concrete step for us to lessen our reliance on limited groundwater by tapping the Tamugan River as a sustainable water source. It is not just about supplying Davao City with bulk water, it is also about ensuring that its people are provided with clean water and to improve their quality of life,” ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Ang naturang water supply project ay makapaghahatid ng 300 milyong litro ng malinis na tubig kada araw sa higit isang milyong residente.
Sa kabilang banda, tiniyak naman ni Aboitiz Equity Ventures Incorporated President and CEO Sabin Aboitiz na patuloy na maghahatid ang kompanya ng sustainable, maasahan, at ligtas na tubig sa lahat ng Davaoeños.
Kinilala naman ni Pangulong Marcos ang Apo Agua ng Aboitiz InfraCapital, pati ang Davao City Water District at ang lokal na pamahalaan sa kanilang walang humpay na dedikasyon at walang sawang pagsisikap sa pagsasakatuparan ng nasabing proyekto.
Magbibigay daan din aniya ito para mas mapalago ang ekonomiya, makalikha ng mas maraming trabaho, at mapabuti rin ang antas ng pamumuhay ng mga Pilipino.
“Any disruption to the water supply, such as the one posed by the El Niño phenomenon, which we are feeling the effects of now, degrades our quality of life, it dampens economic activities, and can fuel disorder,” saad ni Pangulong Marcos.
Bago ito, ipinag-utos ni Pangulong Marcos sa Department of Public Works and Highways (DPWH), katuwang ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, na unahin at pabilisin ang pagkumpleto ng water supply projects sa mga lugar na lubhang maaapektuhan ng El Niño phenomenon.
Inutusan din ni Pangulong Marcos ang DPWH at ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na galugarin ang public-private partnerships para sa rehabilitasyon at pagpapabuti ng mga sistema ng suplay ng tubig sa bansa.
Inatasan din ang DPWH na magtayo ng large scale water impounding projects para madagdagan ang mga lugar na maaaring maserbisyuhan.