Mabilis na pagsibak sa mga tiwaling pulis, ipinangako ng bagong pinuno ng PNP

Mabilis na pagsibak sa mga tiwaling pulis, ipinangako ng bagong pinuno ng PNP

BINIGYANG-diin ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang mahigpit na internal cleansing policy sa hanay ng kapulisan sa ilalim ng bagong liderato nito.

Ayon kay PNP chief Police General Benjamin Acorda, Jr. na wala siyang sasayanging panahon hanggang hindi nito nalilinis ang buong organisasyon.

Sa kaniyang kauna-unahang live studio guesting sa SMNI, nagbabala si PNP chief Police General Benjamin Acorda, Jr. sa kaniyang mga tauhan na iwasang masangkot sa anumang uri ng katiwalian.

Ayon sa heneral, hindi siya mangingiming kasuhan at sibakin ito sa serbisyo kung mapatutunayan ang mga kalokohan nito sa organisasyon.

“I will not hesitate to sign my pen na magdismiss ng kapulisan,” pahayag ni PGen. Benjamin Acorda Jr., Chief, PNP.

Batay sa datos ng PNP, simula noong 2022 mahigit 3 libo nang PNP personnel ang naparusahan at maaari pa itong madagdagan sa pag-usad ng mga pangalan na iniimbestigahan dahil sa pagkakasangkot sa iba’t ibang ilegal na gawain.

Sa ilalim ng kaniyang administrasyon, plano ni Acorda na pabilisin ang conviction rate sa mga tiwaling pulis at tiyaking hindi na makababalik pa sa serbisyo.

Pero aminado ang PNP na hindi nila ito kakayaning mag-isa kung wala ang suporta ng komunidad lalo na sa pagsusumbong sa mga nakikitang katiwalian na kinasasangkutan ng mga kapulisan.

Isang maliit aniya na sumbong kung may aksiyon agad, malaking bagay ito para sa pagsisimula ng tiwala ng publiko sa mga alagad ng batas.

Bagamat humaharap sa iba’t ibang kapagsubukan ang kanilang organisasyon, malaki pa rin ang paniniwala ni General Acorda sa kaniyang mga tauhan na marami pa rin ang handang isugal ang kanilang sarili para sa interes ng bayan.

Madali rin aniyang maisusulong ang programa ng organisasyon lalo na sa malalaking hamon mula sa ilegal na droga, korapsiyon at kriminalidad.

Sa huli, kasabay ng pakiusap sa mamamayan na makipagtulungan sa kanilang peace and order campaign ay kanila ring ipinaaabot ang pasasalamat sa umuusbong na tiwala ng publiko sa kanila matapos na sila ay makakuha ng mataas na trust at performance rating mula sa isang survey.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter