NILINAW ni Philippine National Police Chief General Debold Sinas, na isang ‘legitimate’ ang sunod-sunod na operasyon ng mga pulis sa Calabarzon kahapon, Marso 7.
Sinabi ni Sinas, na may search warrant ang isinagawang operasyon ng mga pulis sa nasabing probinsiya kung saan siyam katao ang namatay habang 15 iba pa ang naaresto.
“It’s legitimate operation because they are covered by search warrants. Kung alam niyo kung gaano kahirap kumuha ng search warrants then naintindihan niyo you have to justify the charge, witnesses. Those are legitimate operations covered properly by the documents issued by the court,” pahayag ni Sinas.
Ayon pa kay Sinas, ang magkasabay na paghain ng search warrants noong Linggo ay ipinatupad base sa mga report ng iligal na pag-aari ng mga armas.
“Kung anong accusations nila is under investigation po but what it is very definite, we have implemented a search warrant on illegal possession of firearms,” aniya.
Naiulat na siyam katao ang namatay sa hiwalay na operasyon ng mga Philippine National Police (PNP) sa Cavite, Laguna, Batangas, at Rizal.
Sa mga nasawi, anim ang naitala sa Rizal, dalawa sa Batangas, at isa sa Cavite. Apat katao ang umiwas sa pag-aresto.
Kasalukuyan naman aniyang inaalam ang pagkakilanlan at apilyasyon ng mga suspek.
Umabot naman sa kabuuang 24 search warrants sa illegal possession of firearms ang inisyu ng mga korte at sabay-sabay na inihain.
Maraming bilang ng mga armas at bomba ang nakumpiska sa isinagawang operasyon ng mga pulis sa Calabarzon.