UMAMIN na ang mag-asawang pulis na sina Lt. Col Roderick Pascua at Rosemarie Pascua sa ginawang krimen sa kapwa nila pulis na si Police Executive Master Sergeant Emmanuel de Asis.
Nangyari ang pamamaslang sa biktima nitong huling linggo ng Nobyembre sa loob ng apartment ng mag-asawa nang dumalo umano si De Asis ng isang convention sa Camp Bagong Diwa Taguig.
Ayon sa extrajudicial confession ni Pascua, selos ang dahilan ng suspek matapos na napag-alamang may relasyon ang kaniyang asawa kay De Asis kaya nagawa nitong barilin ang biktima na humantong sa pagchop-chop sa katawan nito.
Dinala ang nakasilid sa sako na putol-putol na bahagi ng katawan ni De Asis sa ancestral house ng mag-asawa sa Baguio City.
Sa kabilang banda, hindi naniniwala ang pamilya at kaanak ng biktima na may relasyon si De Asis sa misis ng suspek at sinabing set up ang ginawa rito.
Hustisya ang sigaw ngayon ng pamilya ng biktima habang kinondena naman ng Puerto Princesa City Police Office ang krimen kung saan aktibong opisyal ang biktima.
Naniniwala ang mga kaanak ni De Asis na hindi lang ang mag-asawang pulis ang sangkot sa krimen kasabay ng pangakong makikipagtulungan sila sa mga awtoridad para mapanagot ang iba pang nasa likod ng pamamaslang.
Samantala, hanggang ngayon wala pa ring pahayag ang pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director Anthony Aberin sa nasabing insidente kung paanong walang nakakita o nakarinig sa insidente sa loob mismo ng kampo.