IKINATUWA ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan Toots Ople ang magagandang pahayag ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa unang State of the Nation Address (SONA) nito kahapon kaugnay sa kapakanan ng mga itinuturing na mga bayani, ang overseas Filipino workers (OFWs).
Inihayag ni Secretary Ople na naramdaman niya ang pagmamalasakit ng Pangulong Marcos hindi lamang sa mga OFW kundi mismo sa mga anak ng mga itinuturing na mga bagong bayani.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos sa kanyang talumpati ng unang SONA nito na titiyakin ng DMW, sa pamamagitan ng OWWA, na maipapasok sa magagandang paaralang magtuturo sa kanila ng financial literacy, mental wellness, sports, at sining at kultura sa mga iniwang anak ng OFW para magtrabaho abroad.
“Alagaan natin ang kabataang Pilipino sapagkat sila ang kinabukasan ng Inang Bayan,” pahayag ni Pangulong Marcos.
“Sobrang nakaka-touch na damang-dama mo naman ‘yung talagang ang laki ng respeto, ang laki ng pagmamahal ng ating Pangulo sa ating mga OFWs at lagi niyang dinudugtong ‘yung mga pamilya. So, ‘yung aalagaan namin ang bilin niya hindi lang OFWs kundi pati ‘yung mga anak, pamilya ng OFWs,” pahayag naman ni Ople.
Samantala, tiniyak din ni Pangulong Marcos ang magandang dayalogo sa pagitan ng Pilipinas at Kingdom of Saudi Arabia upang muling buksan ang deployment sa mga bagong Filipino workers patungong KSA.
Ayon sa Pangulo pupunta si Migrant Workers Sec. Toots sa Saudi Arabia upang muling pagtitibayin ang respeto at pagkakaibigan ng dalawang bansa.
“Sa kasalukuyan ay nakikipag-ugnayan po tayo sa pamahalaan ng Saudi Arabia upang buksan muli ang deployment. Kaya natin at gagawin natin ang makipagnegosasyon na mabigyan ang mga kababayan doon ng tamang pasahod at mapapangalagaan ang kanilang karapatan at kapakanan,” ayon kay Toots.
Para kay Sec. Toots, pag-uusapan ang resumption ng bilateral talks sa pagitan ng Pilipinas at Saudi kaugnay rin sa unpaid salary ng mga OFW.
“Nine months nang nasuspindido ang deployment ng OFWs sa Saudi Arabia dahil sa mga unpaid claims ng mga construction workers natin mga 9,000 sila and pangalawa meron pa ring mga pagkukulang sa pangangalaga sa karapatang pantao ng ating mga kasambahay at mga cleaners,” ani Ople.
Ikinatuwa naman ni Senador Bong Go na binigyang-pagkilala ni Pangulong Marcos ang priority bill nila ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte para sa mga OFW.
“And of course ito pong Department of OFWs or Migrant Workers isa po sa priority bill ni Pangulong (Rodrigo) Duterte ‘yan. Isa po ito sa priority bill ko po bilang senador na naisakatuparan po sa 18th Congress ay nabigyan ng recognition ng present administration,” ayon pa kay Go.