NANINDIGAN ang malalaking transport groups sa Pilipinas na Magnificent 7 na wala silang planong makiisa sa ikinakasang 3-araw na tigil-pasada ng grupong Pinagkaisahang Samahan ng Transportasyon at Operators Nationwide (PISTON).
Ang planong tigil-pasada ay may kaugnayan sa kawalan umano ng pagtugon ng Transportation Department sa kahilingan nila na buwagin ang PUV modernization program.
Sa isang pahayag, ayon kay Orlando Marquez, Pangulo ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP) at miyembro ng Magnificent 7 na hindi nila suportado ito dahil hindi matutugunan ang kanilang problema ng tigil-pasada.
Punto pa nito, bukas naman ang tanggapan Department of Transportation (DOTr) at LTFRB kaugnay sa kanilang mga hinaing.
Una na ring nilinaw ng DOTr na layunin ng consolidated o pagsasama-sama ng transport group ay para makapagtayo ng kooperatiba.
Sa ilalim nito mas mailalapit sa mga tsuper at operator na nasa kooperatiba ang mga tulong ng gobyerno sa transport sector.