RAMDAM na ramdam ang pagyanig sa silangang bahagi ng Mindanao matapos maitala ang magnitude 6.4 na lindol sa karagatang sakop ng Davao Oriental ngayong araw ng Martes, Hunyo 24.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), tumama ang malakas na lindol dalawang minuto bago mag alas-dies ng umaga at may lalim na 10 kilometro.
Naitala ang epicenter nito sa layong 359 kilometro hilagang-silangan ng bayan ng Baganga, Davao Oriental.
Tectonic ang sanhi ng lindol, na nangangahulugang dulot ito ng galaw ng mga fault sa ilalim ng lupa. Bagama’t sa dagat naganap ang pagyanig, naramdaman ito sa ilang bahagi ng Mindanao, partikular sa mga baybaying-lugar sa silangan.
Sa kabila ng lakas ng lindol, tiniyak ng PHIVOLCS na walang inaasahang aftershocks, pinsala, o tsunami. Wala ring napaulat na nasaktan o nasirang ari-arian, ngunit patuloy ang monitoring ng ahensiya sa mga posibleng after-effects.
Pinayuhan ng PHIVOLCS ang publiko na manatiling alerto, alamin ang earthquake safety tips, at sundan ang mga opisyal na anunsiyo para sa kanilang kaligtasan.