‘Magpakatibay’, mensahe ni Pastor ACQ sa mga taga-KOJC

‘Magpakatibay’, mensahe ni Pastor ACQ sa mga taga-KOJC

MULING nagbigay ng mensahe ang founder ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Pastor Apollo C. Quiboloy sa lahat mga miyembro at misyonaryo ng kongregasyon.

Ito’y kahit nasa kustodiya na ng awtoridad ang butihing Pastor matapos sumuko.

Ani Pastor Apollo, ang Kingdom Nation o Bansang Kaharian ay nasa apat na dekada na simula nang itatag noong Setyembre 1, 1995 at mula sa halos 20 kasamang misyonaryo, ngayon ay umabot na sa ilang milyon ang mga anak ng Diyos sa buong sanlibutan.

Dagdag pa ng butihing Pastor, matagumpay na naitaguyod ng KOJC ang lahat ng kalooban ng Ama hinggil sa kaligtasan ng tao sa gabay na rin ng Amang Makapangyarihan at sa pangunguna ng Hinirang na Anak.

Binigyang-diin din nito na ang KOJC ay naitatag sa ibabaw ng mga sakripisyo ng kahirapan, luha, pawis, at dugo ng bawat isang anak ng Diyos na nag-alay ng kanilang mga buhay upang mapalaganap ang mensahe ng Hinirang na Anak ng Diyos sa buong sanlibutan.

Dinanas man nila ang katakot-takot na bagyo ng pag-uusig, pang-aalipusta, kawalan ng lahat ng bagay at iba pa, mas lalo lang ani Pastor Apollo na dumami ang mga anak ng Diyos at lalong tumibay, lalong naging malakas at dalisay.

Sentro din ng mensahe ni Pastor Apollo na ang Diyos ang kanilang gabay at ang Hinirang na Anak ang puwersa ng kanilang matibay na pagkakaisa na kahit anong bagyo man ng kapagsubukan ang darating ay kanilang makakayanan.

Paalala ngayon ni Pastor Apollo sa lahat ng miyembro at misyonaryo ng KOJC, lalong ‘magpakalakas’ at ‘magpakatibay’.

Ipagpatuloy rin na maging matagumpay sa ipinagkatiwalang gawain sa kanila.

Samantala, ipinunto rin ng butihing Pastor na ang nangyari noong Hunyo 10 at Agosto 24, 2024 ay isang digmaang espiritwal kung saan ang kampon ng kadiliman ay sumalakay at nag-anyong pulis upang subukan ang pagkakaisa, pagpapakumbaba at pananampalataya ng mga taga-KOJC.

Dito, ani Pastor Apollo, pumasa ang taga-KOJC sapagkat nananatiling ginabayan ang mga ito ng mga bunga ng espirito, nanatiling espirituwal at hindi naging pisikal ang mga misyonaryo.

Ayon nga sa sinabi ni Apostol Pablo, “Ang ating pakikibaka ay hindi sa larangan ng dugo at laman, kundi sa mga masasamang espirito na nasa kaitasan.”

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble