DUMULOG sa Public Attorney’s Office (PAO) ang magulang ng isa pang biktima na nasawi umano sa hazing ng Tau Gamma Phi Fraternity.
Sa press conference ni PAO chief Persida Acosta kasama ang ina ng biktima na si Leny Baguio, sinabi nito na nangyari ang insidente noong Disyembre 10, 2022 sa Cebu.
Gayunman, isinugod aniya ang kanyang anak sa ospital noong Disyembre 18, 2022 matapos ang ilang araw ng pagtitiis ng sakit sa kanyang boarding house at Disyembre 19 nang ito ay bawian ng buhay.
Ayon pa kay Baguio, tumangging magbigay ng tulong ang paaralan ng kanyang anak na University of Cebu.
Iginiit ni Acosta na bagama’t hindi kinikilala ng unibersidad ang fraternity, maari pa ring managot ang institusyon dahil isang instructor ang diumano’y sangkot sa hazing incident.
Nito lamang Martes nang matagpuan ang bangkay ng 3rd year engineering student ng Adamson University sa Imus, Cavite na biktima rin ng hazing.