Mahahalagang impormasyon ng malalaking personalidad na hawak ng PNP, biktima ng data breach

Mahahalagang impormasyon ng malalaking personalidad na hawak ng PNP, biktima ng data breach

MATAPOS ang tangkang pag-hack sa mga hawak na impormasyon ng Philippine National Police (PNP) Logistics Data Information and Management System nitong nakaraang linggo, sunod naman na biktima ng data breach ang PNP Fire and Explosives Office (PNP-FEO).

Kinumpirma mismo ni PNP Public Information Office Chief Police Colonel Jean Fajardo ang nakababahalang pangyayari lalo pa’t mga sensitibong impormasyon ang hawak nila mula sa kanilang personnel hanggang sa iba pang malalaking personalidad sa bansa.

Buong PNP system, pansamantalang isinara dahil sa malawakang date breach

Bilang tugon, kasalukuyang naka-shutdown ang lahat ng system ng pambansang pulisya para bigyang-daan ang isinasagawang imbestigasyon kaugnay sa lawak ng impormasyon o datos na naapektuhan ng nasabing data breach.

“Na-shutdown na po ngayon lahat ng PNP systems particularly mga frontline service natin tulad ng FEO. As of now po, kausap ko po mismo ‘yung ITMS personnel, ongoing pa po ‘yung validation and assessment and investigation po ng ating Anti-Cybercrime Group (ACG),” saad ni Col. Jean Fajardo, Chief, PNP-PIO.

Humingi ng isang linggong palugit ang Information Technology System (ITMS) ng pambansang pulisya para sa ginagawa nilang imbestigasyon para malaman kung gaano kalaki ang nakompromisong impormasyon na hawak ng PNP.

“Hopefully, within a week, we can put up additional enhance security to protect the systems,” dagdag ni Fajardo.

Nabatid na maging ang mga personal na impormasyon ni Information and Technology Secretary Ivan Uy ay na-leak rin ng hacker, kasama ang ilang pangalan ng senador at iba pang kilalang personalidad sa bansa.

Nasa likod ng malawakang data breach sa mga impormasyon at datos ng mga ahensiya ng pamahalaan, halos iisa lang—DICT

Sa panayam ng SMNI kay DICT Undersecretary Jeffrey Ian Dy, naniniwala sila na iisang tao o grupo lang ang nasa likod ng naturang ATA breach kasama na ang mga naunang nangyaring hacking incident sa ibang ahensiya ng pamahalaan.

“The suspect, the group of suspects is one handle at ang pangalan nila is “ph1ns” at ito ngang alyas “ph1ns” ay siya rin ang responsible sa pag-attack doon sa ibang government agencies,” pahayag ni Usec. Jeffrey Ian Dy, DICT.

Para sa DICT, hindi basta-basta ang nasa likod ng tangkang pag-hack sa mga sistema ng PNP at maging sa iba pang ahensiya ng pamahalaan dahil napag-aralan nitong mabuti ang paraan kung papaano pasukin ang mahahalagang datos ng isang ahensiya.

“Alam mo itong umamin na sinabi niya na tinarget niya ‘yung PNP, he or she has 2 attributes. No 1 he has technical skills, given, hindi siya amateur, para siyang professional tester. Pangalawa, magaling din siya magsulat. Kasi sinusulat niya ang mga ginagawa niya. And he or she is communicating only to 2 particular groups o individual para ibalita ‘yung ginawa niya. No. 3 very very patient and consistent. Feeling ko nga, wala siyang ibang trabaho kundi ito,” dagdag ni Dy.

AFP, handang tumulong sa PNP kasunod ng malawakang data breach sa mga system nito

Samantala, bukod sa iba pang ahensiya ng pamahalaan, bukas din ang AFP na tumulong sa PNP kung kakailanganin ang kanilang cybersecurity capabilities.

Aminado ang AFP na hindi rin nalalayo ang kanilang hanay sa PNP na nangangalaga ng mahahalagang impormasyon na may kaugnayan sa mga operasyon at datos sa loob ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.

“So far, sa ngayon, wala pa naman kaming natatanggap na request ang PNP, pero on our part willing kami na tumulong sa kanila,” wika ni Col. Francel Margareth Padilla, Spokesperson, AFP.

Batay sa pagtaya ng AFP, libu-libong cyberattacks ang kanilang namo-monitor sa kanilang system bagamat agad naman nila itong nahaharang para maiwasan ang anumang leak sa impormasyon.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter