Maharlika bill, natanggap na ng Malacañang—PCO Sec. Garafil

Maharlika bill, natanggap na ng Malacañang—PCO Sec. Garafil

KINUMPIRMA ng Presidential Communications Office (PCO) na natanggap na ng Malacañang ang Maharlika Investment Fund (MIF) bill.

Sinabi ni PCO Secretary Cheloy Garafil na kasalukuyang nasa Office of the Deputy Executive Secretary for Legal Affairs (ODESLA) na ang proposed measure, na natanggap ng nasabing opisina nitong Martes, Hulyo 4.

Inilahad ni Garafil na wala pang tiyak na petsa kung kailan malalagdaan o gaano katagal pag-aaralan ng Malacañang ang panukalang Maharlika Investment Fund.

Matatandaang nagpahayag ng katiyakan si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na agad niyang pipirmahan ang panukalang Maharlika Investment Fund sa oras na makarating ang kopya nito sa kaniyang opisina.

Gayunpaman, inilahad ng Punong-Ehekutibo na kailangan niya ring tingnan ang mga pagbabagong ginawa sa inaprubahang bersiyon ng Kongreso ng panukalang sovereign wealth fund.

Batid ni Pangulong Marcos na ang karamihan sa mga pagbabago na pinagtibay sa panukala ay may kinalaman sa safety at security ng mga pondo ng pensiyon ng mga mamamayan.

Binigyang-diin din ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng pagtalaga ng mga mahuhusay na tagapamahala ng MIF bilang sikreto sa tagumpay ng sovereign fund.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter