Maharlika Investment Fund, tatalakayin ngayong araw sa Senado

Maharlika Investment Fund, tatalakayin ngayong araw sa Senado

GUGULONG na ngayong araw ang pagtalakay ng Senado sa Maharlika Investment Fund (MIF), ang panukala na certified as urgent ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ang pagtalakay na mag-uumpisa mamayang alas dyes ng umaga ay pangungunahan ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies ni Senator Mark Villar.

Ito naman ay inaasahang dadaluhan ng mga economic managers ng Pangulo at iba pang stakeholders.

“Nagkaron na po kami ng briefing tungkol sa Maharlika bill at andun po lahat ng economic managers at na-clarify yung mga questions ng ating mga colleagues sa Senado,” ani Sen. Mark Villar.

Sa isang naunang interview sinabi ni Villar, na siya ring may akda ng Senate Bill 1870 (MIF) sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso ay inaasahan niya na magiging mabilis ang pagtalakay dito sa iba pang mambabatas matapos ang ginawang briefing ng mga economic manager ng Pangulo sa mga senador araw ng Lunes.

Senate Bill 1670 or An Act Establishing the Maharlika Investment fund

“Powerful tool for sustaining high-impact infrastructure projects, urban and rural development, agricultural support, and other initiatives that would increase income and economic activity in the Philippines.”

Ang Senate Bill No. 1670 ay may layuning bumuo ng isang makapangyarihang makinarya para sa tuluy-tuloy na pagtatayo ng mga infrastructure projects, patuloy na pag-unlad ng mga komunidad, at iba pang hakbang para tumaas ang kita ng bansa at para sa mas masigla na ekonomiya.

Nais din ng panukala na bumuo ng Maharlika Investment Corporation na siyang mamumuno sa nasabing fund.

Sa kabila naman na ipinagmamalaki ito ng Pangulong Marcos sa ibang bansa ay ginarantiya ni Senate President Juan Miguel Zubiri na hindi mamadaliin ng Senado ang pagtalakay rito ng mga senador.

“We in the Senate will not rush this measure and will make sure that all points are covered to make sure we don’t make mistakes,” saad ni Senate President Juan Miguel Zubiri.

Sa isang interview, ibinahagi ng senador na kanyang ipinag-utos kay Villar na bigyan ng sapat na panahon ang pagtalakay upang mabigyan ng sapat na pagkakataon na makapagsalita ang iba’t ibang sektor.

Matatandaan na sa Kamara ay agad na ipinasa ang MIF bill sa loob ng 17 araw.

Ngunit nagkaroon naman ng rebisyon makalipas ang ilang araw.

Ayon kay Zubiri, ang Pangulo mismo ang nanawagan sa Senado na suriin ito nang maayos.

Kabilang sa pinasisiguro ay ang pagmumulan ng pondo, kalidad ng magiging management team, at higit sa lahat ay hindi ito papalpak.

Follow SMNI NEWS in Twitter