Maharlika kay Bongbong, Liza Marcos: Hindi kayo magwawagi, mananalo ang taumbayan

Maharlika kay Bongbong, Liza Marcos: Hindi kayo magwawagi, mananalo ang taumbayan

NAKIISA ang political vlogger na si Maharlika sa Laban Kasama ang Bayan Prayer Rally  sa Liwasang Bonifacio sa Maynila.

Sa harap ng libu-libong attendees, inilahad ng US-Based Filipina vlogger ang dahilan kung bakit patuloy nitong binabanatan ang administrasyong Marcos Jr.

At kung bakit siya nakararanas ng panggigipit ng mga nasa kapangyarihan.

“Isa po ako sa unang ginipit ng gobyernong ito na sinuportahan ko simula noong 2015 hanggang po sila ay manalo,” saad ni Maharlika, Political Vlogger.

Isa si Maharlika sa mga close in vlogger noong eleksiyon ng noo’y frontrunner na si Bongbong Marcos Jr.

Pero, nagbago aniya ang lahat nang makakita ito ng maraming red-flag pagkatapos manalo ng anak ng diktador.

Aminado naman ito na matagal siyang nagtimpi para bumaliktad mula sa pagiging loyalista hanggang sa pagiging kritikal kay Marcos Jr.

Hanggang sa dumating ang Enero 2023 nang magsimula itong magsalita laban sa kasalukuyang administrasyon.

“Inimbitahan po ako ni Liza Marcos noong inauguration, andidiyan po ako. Nakita ko po noong May 9, May 9, during the counting, napapaligiran na sila ng mga oligarchs. Kaya nga noong nandodoon ako sa loob ng party na ‘yun, nagla-live ako sa aking YouTube channel, nagsalita ako sa mismong live at sabi ko ano ba ito? Napapaligiran na tayo ng mga oligarchs. So doon pa lang nakaramdam na’ko ng hindi maganda,” ayon pa kay Maharlika.

At ayon sa kaniyang source, si First Lady Liza Marcos raw ang puno’t dulo ng problema ng pamahalaan.

Ang unang ginang na hindi naman ang siyang binoto ng taumbayan.

“Mga kababayan, sa mga hindi nakakaalam, hindi naman po talaga si Marcos Jr. ang nagpapatakbo ng Pilipinas kundi ang kaniyang ahas na asawa na si Liza Araneta-Marcos na siya ang nagde-desisyon kung bakit nagka leche-leche ang ating gobyerno, ang ating bayang Pilipinas,” aniya.

Kinondena naman nito ang panggigipit na ginagawa ngayon ng administrasyon kay Pastor Apollo C. Quiboloy.

Saan ka ba naman aniya nakakita na sabay-sabay itong inuusig ng Senado at Kamara at may hirit pang mga kaso.

Kuwestiyunable aniya ang timing ng mga ganap at mistulang pinagtutulungan ang butihing Pastor para manahimik.

Pero, wala aniyang dapat ikatakot dahil mananaig pa rin ang katotohanan.

“Huwag po tayong matakot, alam ko lahat po tayo ginigipit, lahat ng mga kritiko, lahat ng mga nagpapahayag ng opinyon dahil lahat po tayo ay sukang-suka na sa gobyernong ito na pinangakuan tayong ibangon. Pero ang bumangon po, sila lang!” diin pa nito.

Para kay Maharlika, patuloy niyang ipagsisigawan sa kaniyang mga vlog na sangkot ang Marcos Jr. administration sa smuggling, sa paggamit ilegal na droga, panggigipit sa mga kritikal sa kanila, PCSO issue, labis na pagkamal sa pera ng bayan at ang tinawag niyang palpak na pangakong gawing bente pesos per kilo ang presyo ng bigas.

Mensahe naman ni Maharlika kay Bongbong at Liza Marcos:

“Hinding-hindi po sila magwawagi, magwawagi po ang taumbayan dahil naniniwala ako na meron pa ring demokrasya sa Pilipinas,” aniya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble