Maharlika, puwedeng mag-invest sa agrikultura—Sen. Cynthia Villar

Maharlika, puwedeng mag-invest sa agrikultura—Sen. Cynthia Villar

PUWEDENG mag-invest ang ipinapanukalang Maharlika Investment Corporation sa Department of Agriculture (DA) at asahan na kikita nang malaki ang bansa.

Ito’y ayon kay Senadora Cynthia Villar na kilalang businesswoman at Chairperson ng Committee on Agriculture sa Senado.

Sa isang interview sa Pasay City, sinabi ni Villar na nakikita niya ang potensiyal ng gobyerno sa pag invest sa processing, partikular na sa pagproseso ng organic fertilizer at dairy products.

 “Siguro ‘yung mga processing no… ‘Yung nag manufacture ng fertilizer from animal manure. ‘Yung mga ganun kasi ‘yun ang mga kailangan na investment. ‘Yung mga processing. Na imbes na bilhin natin sa abroad ay bilhin na lang natin sa Pilipinas. Siguro, dairy also because we import 99% of our dairy needs. ‘Di sana dito na magtayo ng dairy para hindi na natin importin,” ayon kay Sen. Cynthia Villar, Chair, Committee on Agriculture.

Ang partikular na organic fertilizer at dairy products ay may mababang produksiyon sa bansa.

Kung mag-invest ang Maharlika sa pagproseso ng organic fertilizer at dairy products ay malaki ang magiging epekto nito sa ekonomiya.

Ani Villar, madadagdagan ang kita at trabaho ng mga magsasaka sa pag-suplay ng raw materials at inaasahan din na bababa ang presyo ng produkto sa merkado dahil wala ng gastos sa pag-import.

“Kasi ngayon bibilhin na sa Pilipinas, employment ‘yun. Then ma-encourage na mag produce ng raw materials ang ating mga farmers kasi ipro-process, so malaking bagay ‘yun,” dagdag ni Sen. Villar

Maharlika Bill, target na isumite sa Malacañang ngayong linggo

Samantala, asahan na ngayong linggo na makararating sa Malacañang ang Maharlika Investment Fund Bill.

Nilinaw ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na ang Maharlika Bill ay nasa Senado pa sa ngayon.

Inaayos pa aniya ng secretariat ang ilang typographical errors bago ipadala sa Malacañang upang pirmahan ng Pangulo.

 “As I mentioned earlier, hindi pa ito enrolled bill…. To avoid inconsistency…,” ayon kay Sen. Joel Villanueva, Senate Majority Leader.

Matatandaan, nitong nakaraang linggo pa aprubado ang nasabing panukala sa Kongreso.

Ito’y matapos in-adopt ng Kamara ang bersiyon ng Senado na ilang oras pa lamang nila naipapasa.

Bukod sa mga typo-errors ay wala nang nakikitang dahilan ang Senado upang maantala ang pagsasabatas ng Maharlika Investment Fund Bill na certified as urgent ng Pangulo.

Follow SMNI NEWS in Twitter