AABOT sa P3,570,000 na halaga ng shabu at armas ang nakumpiska sa ginawang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency – Pangasinan Provincial Office (PDEA Pang PO) at ng PNP Drug Enforcement Group – Special Operations Unit 1 (PDEG-SOU 1) sa Urdaneta City, Pangasinan.
Kinilala ni PDEA Regional Director, Director III Joel Plaza ang mga nahuling suspek na si alias ODI, 57 taong gulang, residente sa nabanggit na syudad.
Nakuha mula sa kaniya ang anim na pirasong transparent plastic na naglalaman ng suspected shabu na may bigat na humigit-kumulang 525 grams, isang Cal. 45 pistol, magazine, pitong bala, mga gamit pang komunikasyon, iba’t ibang drug paraphernalia, at iba pang kagamitan kabilang na ang buy-bust money.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs), Section 12 (Possession of Drug Paraphernalia), Article II of Republic Act No. 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at RA 10591, o An Act in Providing for a Comprehensive Law on Firearm and Ammunition.
Kasalukuyan namang nakaditene sa PDEA Pangasinan Provincial Office jail facility sa Urdaneta City, Pangasinan ang nahuling suspek.