Mahigit 10k tauhan mula sa AFP, PNP, at PCG nakahanda na para sa darating na 2025 Midterm Elections sa Eastern Visayas

Mahigit 10k tauhan mula sa AFP, PNP, at PCG nakahanda na para sa darating na 2025 Midterm Elections sa Eastern Visayas

PARA masiguro ang seguridad at patas na halalan ngayong darating na National at Local elections, aabot sa mahigit sampung libong personahe mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at Philippine Coast Guard (PCG) ang ipakakalat sa buong Eastern Visayas sa pakikipagtulungan ng Commission on Elections (COMELEC) Regional Office VIII.

Sa ginanap na ikalawang Regional Joint Security Control Center conference na pinangunahan ng 8th Infantry Division (8ID), tinalakay ng security sector ang kanilang ginagawang paghahanda.

Maliban sa libu-libong men in uniform na ipakakalat sa rehiyon, napag-usapan din ang ibang plano para sa seguridad kagaya ng pagtukoy kung mayroong banta, at iba pang mahahalagang aktibidad para masiguro ang kapayapaan at kaayusan sa nalalapit na eleksyon.

Kaugnay nito, mas pinaigting narin ng AFP-PNP-PCG ang mga checkpoint sa mga key location nito kagaya ng 17 stations sa Northern Samar, 20 sa Eastern Samar, 23 sa Samar, 12 sa Leyte, anim sa Southern Leyte, at isa sa lalawigan ng Biliran.

Ang nabanggit na mga checkpoint ay magpapalakas ng COMELEC gun ban.

Ayon kay MGen. Ariel Orio, commander ng 8th Infantry Division ng Philippine Army, ang kanilang ginagawang pagpa-plano at paghahanda ay tanda na sila ay tapat sa kanilang tungkulin para sa isang mapayapang halalan.

“The entire JTF (Joint Task Force) Storm signifies our unwavering dedication to ensure a secure and peaceful election,” ayon kay MGen. Ariel Orio Commander, 8th Infantry Division, Philippine Army.

Bukod dito, kabilang din aniya sa kanilang ginagawang paghahanda ay ang mapanatili ang pagiging non-partisan ng mga sundalo at sa pagtataguyod ng tiwala ng publiko sa kanilang kakayahang protektahan ang ating kanilang nasasakupan.

“Our preparations include maintaining the non-partisan role of military forces and fostering public confidence in their ability to protect our fellow Filipinos. I urge the people of Eastern Visayas to join us in achieving this goal,” saad ni MGen. Ariel Orio.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter