Mahigit 120 personahe ng VisCom ideneploy sa NegOr para sa BSKE 2023

Mahigit 120 personahe ng VisCom ideneploy sa NegOr para sa BSKE 2023

IDENEPLOY ng Visayas Command (VisCom) ang kanilang dagdag na puwersa sa Negros Oriental upang mas mapabuti pa ang pagpapatupad ng batas sa nabanggit na lugar sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023.

Nasa apat na platoon naman o katumbas ng nasa mahigit 120 personahe ng VisCom ang ipinakalat sa mahigit 500 clustered voting centers sa Negros Oriental katuwang ng mga ito ang mga personahe ng Philippine National Police (PNP) maliban pa sa kasalukuyang AFP personnel na naka-deploy ngayon sa nasabing lugar.

Binigyang-diin ni LtGen. Benedict M. Arevalo ng PA, at Commander ng VisCom na ang sitwasyon ng peace and order sa nasabing lugar ay nananatiling under control.

Gayunpaman, hindi nila hahayaan na magkaroon ng tyansa na maghasik ng lagim ang mga masasamang loob kaya naman layon ng nasabing hakbang na masiguro ang kaligtasan at seguridad sa lugar.

Sa ngayon ang Negros Oriental ay mayroong siyam na barangay na nasailalim ng COMELEC watchlist areas sa nasabing bilang walo rito ang na sa kategorya ng Areas of Immediate Concern dahil sa mga naiulat na presensya ng teroristang grupong NPA at isang barangay naman ang nasa ilalim ng Areas of Concern dahil sa intense political rivalry.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter