PATULOY ang pamamahagi ng tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga apektado ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon.
Sa isang public briefing araw ng Miyerkules, sinabi ni DSWD Undersecretary Edu Punay na base sa inisyal na datos ng ahensiya, nasa mahigit animnaraang (641) pamilya o lagpas sa dalawang libong (2,330) indibidwal ang naapektuhan sa pagsabog ng Bulkang Kanlaon.
Ang bilang ay mula sa 16 na barangay ng Negros Occidental at apat na barangay sa Negros Oriental.
Sa kabilang banda, ani Punay, nasa mahigit apatnaraan (426) na pamilya o katumbas sa lagpas isang libo at apatnaraang (1,414) indibidwal naman ang nananatili pa rin sa 11 evacuation centers sa mga apektadong lugar tulad ng Bago City, La Carlota, La Castellana sa Negros Occidental, at sa Canlaon City naman sa Negros Oriental.
Samantala, batay sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Mayo 2020, nasa mahigit 15 libong pamilya o 76 na libong indibidwal ang nakatira sa loob ng 4-kilometer permanent danger zone ng Mt. Kanlaon.
Sa monitoring ng DSWD, sinabi ni Punay na mayroon pa ring mga residente na hindi pa lumikas, kaya naman, mahigpit na nakikipag-ugnayan ang ahensiya sa mga local government unit (LGU), sa Office of Civil Defense (OCD), at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) para kumbinsihin ang mga pamilyang kailangan na ilikas mula sa permanent danger zone.
Ipinahayag pa ng opisyal na naka-preposition ang kanilang food packs at non-food items kasama rito ang sleeping kits, hygiene kits, at iba pa.
Sa datos pa rin ng DSWD nitong umaga ng Miyerkules, umabot na sa P1.4-M halaga ng food at non-food items ang kanilang naipamahagi sa mga naapektuhan ng pagsabog ng Kanlaon Volcano.
Kapag tapos na ang pag-aalburuto ng bulkan, magkakaroon naman ng early recovery phase ang DSWD kung saan mamimigay ito ng cash assistance sa mga naapektuhang indibidwal na magagamit para sa pagpapatayo ng nasira nilang tahanan.
Mahigpit ding nakikipag-coordinate ang ahensiya sa mga health office ng mga LGU para tugunan ang health concerns ng mga residenteng apektado.
Tourist destinations sa Canlaon City, pansamantala pa ring sarado kasunod ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon
Sa kabilang dako, inihayag ni Canlaon City Mayor Jose Chubasco Cardenas na ipinag-utos niya ang pagsasara ng non-essential establishments sa kanilang lungsod magmula nitong Martes.
Pero aniya, ‘lifted’ na ang naturang kautusan nitong hapon ng Miyerkules.
Tanging mga tourist spot at tourist destination areas na lang ang nananatiling sarado pa rin dahil sa panganib na dulot ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon.
Sa usaping kalusugan naman partikular sa sulfur odor mula sa bulkan, sinabi ni Cardenas na sa kanilang monitoring sa mga indibidwal na nasa mga evacuation center ay wala pa namang naiulat na naapektuhan dito.
Gayunman, magsasagawa na rin ng medical mission ang LGU sa kanilang mga residente.