Mahigit 18,000 security forces, ipakakalat sa inagurasyon ni PBBM

Mahigit 18,000 security forces, ipakakalat sa inagurasyon ni PBBM

NASA kabuuang 18,339 public safety and security forces ang ipakakalat sa araw ng inagurasyon ni President-elect Ferdinand Bongbong Marcos Jr.

Binubuo ito ng 13, 846 NCRPO personnel, 1,061 personnel mula sa PNP support units at 3, 432 personnel sa mga allied agencies at force multipliers.

Nauna nang tiniyak ng PNP ang kanilang kahandaan para sa makasaysayang araw na ito laban sa mga demonstrasyon at nais guluhin ang inagurasyon.

Sa katunayan, kaliwa’t kanang ensayo na ang ginagawa ngayon ng PNP, AFP, Philippine Coast Guards (PCG), Philippine Marines at iba pang law enforcement units bilang suporta sa nakatakdang pagpapalit ng kapangyarihan sa susunod na pinuno ng bansa.

Samantala, dalawang araw bago ang inagurasyon, humirit ng pakiusap ang pambansang pulisya sa mga nagbabalak na magsagawa ng kilosprotesta na huwag nang ituloy upang maiwasan ang anumang kaguluhan.

Ayon kay PNP OIC PLtGen. Vicente Danao, inirerespeto naman ng mga awtoridad ang kagustuhan ng mga raliyista na magsagawa ng mga pagkilos bilang bahagi aniya ng malayang pagpapahayag.

Ang mahalaga aniya, hindi rin maabuso ang pribilehiyo na magdudulot ng takot at banta sa seguridad ng bansa.

 “Our mantra is not to curtail the freedom of expression and the right to peaceably assemble, but the same constitutional rights should not be abused leading to acts of violence and disorder,” pahayag ni Danao.

Batay sa impormasyon, papayagan lamang na magsagawa ng kilosprotesta ang iba’t ibang grupo sa mga tukoy na lugar gaya ng Plaza Miranda, Plaza Dilao at Liwasang Bonifacio na hindi na kinakailangan ng permit mula sa LGU. 

“These are the areas where they could hold programs without a permit from the local government,” ani Danao. 

Umaasa ang PNP na hindi na magpupumilit pa ang mga ito na lumagpas sa mga itinakdang freedom parks para maiwasan ang gulo.

Sakaling hindi pa rin maiwasan ang paglabag sa umiiral na polisiya, ipinapaalala rin ng Manila Police District ang umiiral na ordinansa na no permit, no rally” at Batas Pambansa 880 o Public Assembly Act of 1985, o ang pagpapahintulot sa pagsasagawa ng mga pagkilos sa mga itinakdang freedom parks ng pamahalaan.

Sa kabilang banda, nangako ang PNP na mananatili sila sa kanilang mandato na ipatupad ang maximum tolerance laban sa mga raliyista. 

“Maximum tolerance remains the underlying policy and no gesture of violence will come from the law enforcers. The PNP will only act accordingly in response to the situation, and persons responsible for any outbreak of violence will be held accountable for their actions. Blatant violation may include the destruction of property, obstruction of traffic, and other forms of public disturbance,” ayon kay Danao.

Muli ring iginiit ang kanilang mahigpit na paalala sa mga dadalo sa seremonya na iwasan ang pagdadala ng mga backpack at kung hindi man maiwasan anila, mas mainam na madali lamang itong buksan para mabilis ang gagawing inspeksiyon.

 

BASAHIN:

PNP, humiling ng respeto sa mga raliyista sa inagurasyon ni PBBM

 

Checkpoint papasok sa Maynila, hihigpitan 3 araw bago ang inagurasyon

ni President-elect BBM – PNP

 

Manila shield, pagaganahin ng PNP para sa seguridad ng inagurasyon ni PBBM

 

Follow SMNI News on Twitter