Mahigit 19,000 rice retailers na apektado ng price cap, nabigyan ng tulong-pinansiyal—DSWD

Mahigit 19,000 rice retailers na apektado ng price cap, nabigyan ng tulong-pinansiyal—DSWD

MAHIGIT 19,000 rice retailers ang nabigyan na ng tulong-pinansiyal na apektado ng price ceiling ng bigas.

Ito ang iniulat ni Department of Social Worker and Development (DSWD) Undersecretary Edu Punay sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing nitong Martes.

Aniya, mahigit P286-M na ang kabuuang naipamigay ng DSWD at tuluy-tuloy ito hanggang sa maubos ang target na 24,000 na mga benepisyaryo.

‘‘Ang ating DSWD, ongoing iyong ating distribution ng assistance for rice retailers; mayroon na tayong nabigyan na more than 19,000 na mga rice retailers (CUT) P286-M, more than 286-M na iyong naipapamigay natin at tuluy-tuloy ito hanggang sa maubos natin iyong ating 24,000 beneficiaries na target,’’ ayon kay Usec. Edu Punay, DSWD.

Nakatanggap ng tig-P15,000 na cash assistance ang rice retailers na apektado ng price cap ng bigas.

Una rito, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., ang pagpapatupad ng mandatong P41 kada kilo na price ceiling sa regular milled rice at P45 kada kilong price cap sa well-milled rice sa bisa ng Executive Order No. 39.

Nitong umaga ng Martes, tinalakay ang lagay ng implementasyon ng mandated price ceiling sa bigas sa sectoral meeting sa Malacañang na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., kasama ang Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI), at iba pang kaugnay na ahensiya.

Kabilang sa mga natalakay ang naobserbahang pagbaba ng presyo ng bigas sa lokal na pamilihan at ng export price nito sa pandaigdigang merkado.

DSWD, nakahanda sa pagtugon kaugnay ng maaaring epekto ng Bagyong Jenny

Sa usapin naman ng posibleng epekto ng Bagyong Jenny, sinabi ni Punay na naghahanda na ang DSWD sa maaaring dulot nito.

Sa katunayan, preparado na ang regional offices ng ahensiya at may prepositioning na ng relief items at family food packs.

‘‘Kasama ang DSWD sa paghahanda dito sa ating Typhoon Jenny. As usual we prepare our regional offices, naghahanda tayo, may prepositioning tayo ng mga relief items natin at mga family food packs. So, very active tayo ngayon diyan,’’ ayon pa kay Usec. Punay.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), inaasahang lalabas sa Philippine Area of Responsibility ang Typhoon Jenny sa araw ng Huwebes.

Inihayag pa ng PAGASA na palalakasin ng Bagyong Jenny ang habagat at magdadala ng mga pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Central at Southern Luzon maging sa Visayas.

Sa sectoral meeting kanina sa Palasyo, natalakay rin ang patungkol sa nagpapatuloy na mga hakbang ng gobyerno upang pangasiwaan ang suplay at presyo nito para sa kapakanan ng mga magsasaka at mamimili.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter