NAKATAKDANG dumating sa bansa ang mahigit sa 2.3-M coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine sa bansa ngayong buwan ng Marso.
Ito ay ayon kay National Task Force (NTF) Against COVID-19 chief implementer Carlito Galvez, Jr.
Aniya, darating sa bansa ang 400,000 dosis ng CoronaVac vaccine ng Sinovac na donasyon ng China sa Marso 24.
Ang 1 milyong dosis naman ng CoronaVac na binili ng pamahalaan sa Sinovac Biotech Company ay nakatakdang dumating sa Marso 29.
Mula Marso 24 hanggang Marso 26 ay nakatakdang dumating ang 979,200 dosis na AstraZeneca vaccine na donasyon mula sa COVAX Facility sa pamamagitan ng World Health Organization.
Ayon kay Galvez, nasa kabuuang 2,379,200 dosis ng bakuna ang darating ngayong katapusan ng buwan.
Matatandaan na bumili rin ang bansa ng COVID-19 vaccine mula sa Novavax Inc., isang U.S. Biotech firm na nakabase sa India ng 30 milyong dosis.
(BASAHIN: 30-M dosis ng Novavax vaccine, nabili na ng bansa mula India)
Nilagdaan ang supply deal para sa 30 milyong dosis ng Novavax ni vaccine czar Carlito Galvez,Jr. sa kanyang pagbisita sa Serum Institute sa India.
Inaasahan naman na darating ang bakuna sa ikatlo o ikaapat na bahagi ng taong 2021.
Sinabi ni Galvez na hinihintay na lamang na maaprubahan ang Emergency Use Authorization (EUA) ng bakuna sa UK, sa US at dito sa bansa.
Nagsimula ang vaccination program ng bansa noong Marso 1 isang araw matapos dumating ang unang batch ng CoronaVac vaccine sa bansa.