NAGBALIK-loob sa pamahalaan ang mahigit 200 supporters ng Communist Terrorist Group (CTGs).
SUMUMPANG hindi na susuporta sa CPP-NPA-NDF ang 238 residente na binubuo ng Militiang Bayan, Courier, Baseng Masa at mga store owners ng San Jose, Antipolo City sa ginawang Local Peace Engagement (LPE) sa Sitio San Joseph Gym, San Jose, Antipolo City, Agosto 25.
Ang nasabing aktibidad ay pinasiyaan ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan gaya ng Barangay Task Force ELCAC San Jose, mga kasundaluhan ng 80th Infantry Battalion na pinamunuan ni Lt. Col. Erwin Y. Comendador, Battalion Commander, Mayor Casimiro “Jun” Ynares III.
Alinsunod ito sa pagpapatupad ng EO 70 “Whole of Nation Approach” na naglalayong wakasan ang problema sa insurhensiya sa pamamagitan ng sama-samang pagkakakisa, upang ganap na makamtan ang kapayapaan at maisulong ang kaunlaran.
Isa sa mga pangunahing layunin ng LPE ay matulungan ang mga dating kasapi ng teroristang NPA, mga Milisyang Bayan kasama na rito ang mga mamamayan na napabilang sa organisadong masa sa kanayunan na dating sumusuporta at nagamit ng makakaliwang samahan ay maging isang tanglaw ng pag-asa, na magiging gabay sa daan tungo sa isang mapayapa at maunlad na bayan.
Muli, nanawagan si Lt. Col. Comendador sa mga natitira pang NPA na magbalik-loob na sa pamahalaan alinsunod na rin sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, ang Call for Unity and Amnesty, para sa mga natitirang miyembro ng rebeldeng grupo na sumuko na upang matulungan na mapawalang-bisa ang kanilang mga kinakaharap na kaso nang makapagsimula sila ng bagong buhay kasama ang kanilang mga pamilya.