Mahigit 27K sa 40K manggagawang apektado ng pagsasara ng POGO, na-profile na ng DOLE

Mahigit 27K sa 40K manggagawang apektado ng pagsasara ng POGO, na-profile na ng DOLE

NA-profile na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mahigit twenty-seven thousand (27,747) mula sa lagpas forty thousand (40,962) na mga Pilipinong manggagawa na nasa industriya ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa.

Ito ay batay sa mga naisumiteng datos ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Ayon kay DOLE Bureau of Local Employment Director Patrick Patriwirawan Jr., ang NCR ay nakakuha na ng 19,754 na profile ng mga empleyado ng POGO; kasunod dito ang Region III na may 142; ang CALABARZON 7,837; at ang Region VII na may 14 na mga manggagawang Pilipino.

Mula sa na-profile ng mga regional office, sinabi ni Patriwirawan na umaabot sa ₱16,000 to ₱22,000 ang sinasahod ng mga manggagawang Pilipino na nagtatrabaho sa mga POGO o Internet Gaming Licensees (IGLs).

“Ang mga kadalasan po nilang mga occupation ay katulad po ng mga administrative staff, mga secretary or desk officer, office staff at katulad po ng mga encoders,” saad ni Patrick Patriwirawan, Jr., Director | Bureau of Local Employment, DOLE.

Tulong para sa mga Pilipinong manggagawang apektado ng pagsasara ng POGO, inihahanda na ng DOLE

Matapos ma-profile ng DOLE ang mga POGO worker na ito, inihayag ng opisyal na may nakahandang tulong ang ahensiya para sa apektado ng pagsasara nito.

Mayroon aniyang line-up o menu ng mga serbisyo na ibinibigay sa mga ito. Katulad na lamang sa pamamagitan ng Public Employment Service Offices.

“Maaari po natin silang bigyan ng mga employment facilitation services; mayroon po tayong mga job-matching at placement sa iba-ibang mga job opportunities.”

“Kung sakaling gusto po nilang maghanap ng bagong trabaho o ‘di kaya ay magpataas ng kanilang kasanayan sa pamamagitan po ng TESDA,” dagdag ni Patriwirawan.

Ang DOLE ay mayroon ding mga iniaalok na livelihood programs na maaaring maging simula ng kanilang entrepreneurship development opportunities.

Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ngayon ng kagawaran sa iba’t ibang industry partners.

“Actually po, mayroon din kaming upcoming meeting po with the Department of Trade and Industry para po pag-usapan kung iyong mga industry partners natin, lalung-lalo na sa IT-BPM ay interesado po na kunin or i-absorb itong mga maaapektuhan at mawawalan po ng trabaho sa IGLs,” aniya.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble