Mahigit 367,000 na pinauwing OFW dahil sa pandemya, natulungan ng TESDA

Mahigit 367,000 na pinauwing OFW dahil sa pandemya, natulungan ng TESDA

NASA 367,000 mula sa mahigit 600,000 Overseas Filipino Workers (OFWs) na nakauwi na sa Pilipinas dahil sa pandemya ang natulungan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Ito ang sinabi ni TESDA Deputy Director General John Bertiz III sa panayam ng Sonshine Radio.

Ayon kay Bertiz, pagdating ng naturang mga OFW sa bansa ay agad na umalalay at tumulong na ang TESDA sa kanila.

Bahagi aniya ito ng mas pinaigting na programa ng pamahalaan na layong maging mas accessible ang mga programa ng TESDA sa publiko.

“Ang magandang programa po rin ng TESDA ay ang OFW rise program, yung mga displaced workers natin na mga OFW, nabibigyan po natin ng bagong pagsasanay, re-scaling, re-tooling, and at the same time nabibigyan po sila ng puhunan through the National Reintegration Center for OFW and mga partner industry natin, marami po tayong mga success na story na nakatanggap na po na hindi lang pagsasanay kung hindi hanggang kabuhayan po, pahayag ni Bertiz.

Samantala, ibinahagi rin ni Bertiz na marami silang ino-offer na kurso sa mga mag-aaral at mga nagbabalik-bansang OFW na magagamit agad ng mga ito sa paghahanapbuhay kapag nakumpleto ang kanilang pag-aaral at training.

At dahil sa pandemya, natulungan ng TESDA ang OFWs at in-offer ngayon ang pinakabagong kurso na contact tracing na napapakinabangan din aniya ng mga lokal na pamahalaan.

 

SMNI NEWS