IPINAGMAMALAKI ng NNIC ang halos labing isang porsyento na pagtaas sa bilang ng mga pasahero sa NAIA noong 2024 kumpara sa mga nakaraang taon.
Nakapagproseso ang NAIA ng 50.1 milyong pasahero noong nakaraang taon—5.08% na mas mataas kaysa sa rekord noong 2019 (bago ang pandemya), at 10.43% na mas mataas kaysa noong 2023.
Umabot din sa halos 300,000 ang bilang ng mga flight—8.08% na mas mataas kaysa noong 2019 at 4.83% na mas mataas kaysa noong 2023.
Hindi kasama sa mga datos na ito ang general aviation.
NAIA breaks record for passengers and flights in 2024:
Passengers in 2024- 50.1 million
Flights in 2024- 293,488 flights
Sinabi ni NNIC Chairman Ramon Ang, mas maraming Pilipino ang naglalakbay, at mas maraming bisita ang dumarating sa Pilipinas.
“More Filipinos are flying, and more visitors are coming to the Philippines,” ayon kay Ramon S. Ang, President of New NAIA Infra Corp. (NNIC).
Ipinapakita ng mga datos ang pagbangon ng bansa bilang destinasyon ng paglalakbay at ang lumalaking papel nito sa turismo at kalakalan sa rehiyon.
Para kay MIAA General Manager Eric Jose Ines, target ng NNIC na lampasan pa ang bilang na ito.
“Definitely, ang target naman talaga ng NNIC ay dagdagan pa ito, sapagkat ito, pag naayos na ito mga nakaplano na sa paggawa ng mga passenger boarding bridges, paglilipat-lipat sa mga terminal ay dadami ang papasok na flights, pag dumami ‘yun siyempre maraming pasahero,” saad ni Eric Jose Ines General Manager, MIAA.
Sinabi rin ni Ines na hindi maiiwasan ang mahabang pila sa mga immigration counter para sa mga pasaherong aalis ng Pilipinas.
Paliwanag niya, dinisenyo ang NAIA na hindi para sa higit sa 30 milyong pasahero kada taon.
Kaya ang mga plano ng bagong namamahala sa NAIA ay makatutulong upang ma-accommodate ang dumaraming pasahero.
“Alam mo ‘yung immigration talagang dumami ang tao, marami na rin bumiyahe, hindi na rin maiaalis na magkaroon talaga tayo ng pila, natural ‘yon,” ani Eric Jose Ines.
Samantala, inihayag din ng MIAA chief na umabot sa 2.5 milyong pasahero ang dumagsa sa NAIA sa panahon ng Pasko at Bagong Taon—mas mataas kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.
“December 15-31, umabot tayo ng almost 2.5.o 2,579, 625 ang nagbiyahe sa tatlong terminal 1,2 and 3,dahil sarado ang 4,’’ saad nito.