MATAPOS ilunsad ang SumVac 2022 ng Philippine National Police (PNP), ipinakalat na rin ng ahensiya ang mga tauhan nito sa iba’t ibang tourists destination sa bansa.
Sa kabila ng patuloy na pagbaba ng bilang ng mga tinatamaan ng sakit na COVID-19 sa bansa, patuloy din ang paalalang ginagawa ng PNP sa publiko na huwag pa ring kalimutan ang pagtupad sa minimum health protocols sa mga matataong lugar.
Kaugnay nito, para lalong matiyak ang ligtas na bakasyon ng mga tao sa mga probinsiya at paboritong pasyalan, ipinakalat agad ng ahensiya ang nasa limang libong mga tauhan nito para magbantay at matiyak ang maayos na summer vacation.
Bukod sa COVID-19, bahagi rin ng trabaho ngayon ng PNP ang pagbabantay sa mga potensiyal na krimen sa mga matataong lugar gaya ng mga pagnanakaw at iba pang kahalintulad na uri ng krimen.
Ngayong nag umpisa nang magsiuwian ng mga tao sa kani-kanilang probinsiya at pagdagsa sa mga pasyalan gaya ng hotel at mga resort, maaaring higpitan anila ng PNP ang kanilang monitoring na walang makalulusot na kaso ng iligal na droga gaya ng party drugs na talamak tuwing summer.