Mahigit na 45,000 na kaso ng dengue sa Pilipinas, dapat nang ikaalarma – health sector

Mahigit na 45,000 na kaso ng dengue sa Pilipinas, dapat nang ikaalarma – health sector

NAITALA ng Department of Health (DOH) ang nasa 45, 416 na kaso ng dengue sa buong Pilipinas.

Ito ay mula sa unang araw ng pagpasok ng taong 2022 hanggang Hunyo 11 at mas mataas daw ito ng 45 porsiyento kung ikukumpara sa magkatulad na period noong 2021.

Kasunod nito ayon sa Philippine Medical Association (PMA) at Philippine Federation of Professional Association (PFPA, dapat na itong ikaalarma.

Ayon sa naturang asosasyon, mas marami ang namatay sa dengue kaysa COVID-19.

Ayon kay Dr. Benito Atienza, Philippine Medical Association, VP 3, Philippine Federation of Professional Association, walang pinipiling edad ang lamok sa bibiktimahin nito kahit daw bata na may edad 6 na buwan ay maaring matamaan ng dengue.

At sa oras aniya na may maramdaman ang isang bata, dapat na agad silang ipakonsulta lalo na kung nasa 2-3 araw na itong may lagnat.

Sa tala ng DOH, ang pinakamataas na kaso ng dengue ay nasa Central Visayas na may 13 porsiyento, 12 porsiyento naman sa Central Luzon at 10 porsiyento sa Zamboanga Peninsula.

Pero ayon kay Dr. Atienza, mayroon na ring pagtaas ng kaso ng dengue sa National Capital Region, Calabarzon at Ilocos Region.

Babala nito kahit sa isang patak ng tubig o ulan ay maaring pagmulan ito ng itlog at pamugaran ng lamok.

Kaya mahalaga aniya na sundin ang 4 o’clock habit para maiwasan ang dengue sa ating tinitirhan at pinagtatrabahuhan.

Tandaan aniya na ang lamok na kadalasang nagdadala ng dengue ay galing sa malinis na tubig.

Samantala, maliban sa dengue ay nahaharap pa rin ang bansa sa banta ng COVID-19.

Sa ulat ng World Health Organization, 18 porsiyento ang itinaas ng kaso ng COVID-19 sa buong mundo noong nakaraang linggo o katumbas ng mahigit 4.1 milyon na kaso ng COVID-19.

Ayon kay WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus, ang pinakamalaking lingguhang pagtaas ng COVID-19 cases ay naobserbahan sa Middle East kung saan 47 porsiyento ang pagtaas ng kaso doon, 32 porsiyento naman sa Europa at Southeast Asia habang 14 porsiyento sa Amerika.

 

Follow SMNI News on Twitter