ARAW ng Biyernes, Hunyo 20, bandang ala-1:30 ng madaling araw, nasamsam ng Philippine Navy, sa pamamagitan ng Northern Luzon Naval Command (NLNC), ang tinatayang 1.5 tonelada ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P10B mula sa isang bangkang pangisda sa karagatan ng Zambales.
Ayon kay Navy Spokesperson Capt. John Percie Alcos, ang nasabat na bangka ay isang Filipino-registered fishing vessel na may sakay na mga banyagang indibidwal.
Itinuturing itong isa sa pinakamalalaking operasyon ng pagkakasamsam ng ilegal na droga sa kasaysayan ng Philippine Navy.
Dadalhin ang mga nakumpiskang droga sa Naval Operating Base sa Subic, Zambales para sa tamang dokumentasyon at turnover sa mga kinauukulang ahensiya.
Ang operasyon ay resulta ng pinagsamang hakbang ng Philippine Navy, Northern Luzon Naval Command (NLNC), at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).