Mahigit P34-B pondo, inilaan para sa social assistance programs ngayong taon

Mahigit P34-B pondo, inilaan para sa social assistance programs ngayong taon

MAY kabuuang P34.27-B ang inilaan para sa programang Protective Services of Individuals and Families in Difficult Circumstances (PSIFDC) sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act (GAA).

Ayon kay Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman, ang nabanggit na halaga ay naglalayong tulungan ang may mahigit tatlong milyong (3,876,673) mga benepisyaryo sa buong bansa.

Saad pa ni Pangandaman, ang pagpapatuloy ng social assistance programs ay nilalayong paghusayin ang pagtugon ng gobyerno sa mga pangangailangan ng publiko at sa pagtulong sa kanila sa panahon ng krisis.

Ito ay upang tuluyang makabangon ang mga ito at makapagtatag ng mas maginhawang buhay.

Samantala, ibinahagi rin ng DBM na nakapaglabas ang ahensiya ng kabuuang P47.54-B para sa pagpapatupad ng Protective Services of Individuals and Families in Difficult Circumstances (PSIFDC) program noong 2023.

Sinabi ni Secretary Pangandaman na layon ng malaking pondong ito na magbigay ng mahalagang suporta sa implementasyon ng nasabing programa.

Ito ay sumasaklaw sa isang hanay ng serbisyo na nakatuon sa pagpapagaan ng mga pasaning kinakaharap ng mga indibidwal at pamilya sa krisis.

Sakop ng PSIFDC ang programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), isa sa mga pangunahing programa para sa kapakanan ng mamamayan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang AICS ay nilalayong magbigay ng tulong medikal, panglibing, pang-edukasyon, transportasyon, pagkain, at tulong pinansiyal.

Partikular na pangunahing layunin ng AICS program ay tulungan ang mga Pilipinong nasa matinding kalagayan dahil sa sakit, pagkawala, o iba pang hamon.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble