Mahigit P455.58-M pondo para sa Rice Competitiveness Enhancement Fund, inilabas ng DBM

Mahigit P455.58-M pondo para sa Rice Competitiveness Enhancement Fund, inilabas ng DBM

INAPRUBAHAN ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng kabuuang P455.59-M para sa Department of Agriculture (DA) at tatlong iba pang Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs).

Nilalayon ng nasabing pondo na tugunan ang mga pangangailangan sa operasyon ng Rice Competitiveness Enhancement Program (RCEP) para sa unang quarter ng 2024.

Ayon kay DBM Secretary Mina Pangandaman, patuloy na susuportahan ng ahensiya ang mga programang magpapalakas sa lokal na produksiyon ng mga pangunahing bilihin sa agrikultura, kabilang ang bigas, na pangunahing pagkain sa halos bawat sambahayan.

Ang pondo, na kilala rin bilang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), ay layong mapabuti ang pagiging produktibo at competitiveness ng mga lokal na magsasaka ng palay.

Makatutulong din ito para madagdagan ang kanilang kita sa pamamagitan ng pagbibigay ng makinarya at kagamitan sa pagsasaka, pagpapaunlad at pagpapalaganap ng binhi ng palay, expanded rice credit assistance, at rice extension services.

Noong Enero 29, 2024, inaprubahan ni Secretary Pangandaman ang pagpapalabas ng Notice of Cash Allocations (NCAs), na nagkakahalaga ng kabuuang P431.79-M.

Sa pamamagitan nito, matutugunan ang mga pangangailangan sa operasyon para sa iba’t ibang programa/components ng mga ahensiya na nagpapatupad ng RCEP para sa unang quarter ng taong 2024.

Kabilang sa mga ahensiyang ito ang Land Bank of the Philippines (P133,648,00), ang Development Bank of the Philippines (P120,000,000), at ang Philippine Rice Research Institute (PhilRice) (178,141,000).

Ang Republic Act No. 11203 ay nagtatakda para sa paglikha ng RCEF na magkakaroon ng taunang alokasyon na P10-B sa susunod na anim na taon mula sa pag-apruba ng batas.

Ang halagang ito ay awtomatikong mai-credit sa Special Account sa General Fund ng National Treasury.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble