Mahigit P80-B na halaga ng smuggled products, nasamsam ng BOC ngayong taon

Mahigit P80-B na halaga ng smuggled products, nasamsam ng BOC ngayong taon

NAKAPAGTALA ang Bureau of Customs (BOC) ng mahigit P80B na halaga ng smuggled poducts ngayong 2024.

Halos doble ang bilang na ito mula sa naitala noong nakaraang taon na nasa kabuuang higit P43B noong 2023.

Ayon kay Atty. Vincent Philip Maronilla, Assistant Commissioner at spokesperson ng BOC, mula sa naturang halaga ngayong taon, mahigit isang bilyong piso ng mga agricultural products ang nahuli ng ahensiya.

“Iyong disaggregated ho na amount ng agricultural na produkto lang na aming nahuli para sa taon na ito ay umaabot na po sa mahigit isang bilyong piso ‘no. Pero sa lahat-lahat naman po ng smuggled products napakalaki na rin po, nasa mahigit sa 80 billion pesos na po ang nahuhuli ng aming intelligence group ‘no,” pahayag ni Atty. Vincent Philip Maronilla, Assistant Commissioner, Spokesperson, BOC.

Kaugnay rito, ani Maronilla, pinahihigpit ng ahensiya ang kanilang pagbabantay sa mga puerto kung saan gumagamit sila ng risk-based system.

Katuwang ng BOC sa hakbang na ito ang Department of Agriculture (DA) upang hindi maistorbo ang mga lehitimo na mga nagpapasok ng mga produkto.

15 balikbayan boxes na idineklarang inabandona, pinoproseso na para maipadala sa mga may-ari

Samantala, inihayag ng BOC official na pinoproseso na ang 15 balikbayan box na idineklara bilang abandonado matapos mabigong iproseso ng “unscrupulous deconsolidators and consolidators” ang mga package na ipinadala ng mga Overseas Filipino Worker (OFW).

Nakatakdang lagdaan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang ilang mga dokumento upang matiyak na maihahatid pa rin ang mga pakete sa mga nararapat na tatanggap nito sa kabila ng mga lapses ng mga kompanyang dapat magproseso ng paghahatid nito.

Inaasahan na malalagdaan ito ng DMW ngayong linggo o bago magPasko.

Sinabi pa ni Maronilla na ipamimigay ang balikbayan boxes na ito doon mismo sa intended recipient lalo’t batid ng lahat kung paano pinagpaguran ito ng mga bayaning OFWs para lang maipadala sa kani-kanilang pamilya.

“At hindi naman po nila kasalanan na may nanloko sa kanila ‘no, na mga masasamang loob na mga nagkukunwaring tutulungan sila sa pagnenegosyo nila at pagpaparating ng kanilang mga balikbayan boxes ngunit nag-take advantage lang po talaga sa ating mga OFWs,” ani Maronilla.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble