Mahigit sa 400-K healthcare workers, nakatanggap na ng COVID-19 vaccine

UMABOT na sa 408,995 healthcare workers sa bansa ang nakatanggap na ng COVID-19 vaccine ayon kay National Task Force (NTF) Against COVID-19 chief implementer Secretary Carlito Galvez Jr.

Ang nasabing bilang ay 24% sa 1.7 milyong kabuuang bilang ng healthcare workers sa buong bansa na target na mabakunahan.

“Ito po ay mayroong tinatawag na 53.3%, over targeted iyong first dose natin at 36.36% percent naman over the total vaccinated deployed,” ayon kay Galvez.

Aniya, halos 100% na ng 1,125,600 dosis ng COVID-19 vaccine ang naipamahagi na sa buong bansa.

Tumanggap ang bansa ng 600,000 dosis ng Sinovac vaccine na donasyon mula China noong Pebrero 28.

Marso 1 ay sinimulan na ang vaccination drive ng bansa kung saan una sa prayoridad na mabakunahan ang healthcare workers ng bansa.

Sumunod na dumating sa bansa ang 487, 200 dosis ng AstraZeneca vaccines mula sa COVAX Facility noong Marso 4 na sinundan ng karagdagang 38,400 dosis noong Marso 7.

Ayon kay Galvez, nakatakdang dumating sa bansa ang karagdagang dosis ng Sinovac vaccine na donasyon ng China bukas, Marso 24.

Nakatakda ring dumating sa bansa ang 1 milyong dosis ng bakuna na binili ng pamahalaan sa Sinovac Biotech company sa Marso 29.

Magpapadala rin ang COVAX Facility sa pamamagitan ng World Health Organization (WHO) ng 979,200 dosis ng AstraZeneca mula Marso 24 hanggang Marso 26.

Samantala, mayroon nang nakahandang 1,523 vaccination sites sa 771 na lungsod at munisipalidad sa buong bansa ayon kay Galvez.

SMNI NEWS