Mahigpit na pagpapatupad ng mga batas vs rice smugglers, hoarders at price manipulators, iniutos ni PBBM

Mahigpit na pagpapatupad ng mga batas vs rice smugglers, hoarders at price manipulators, iniutos ni PBBM

PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang distribusyon ng bigas sa lungsod ng Maynila kung saan mayroon din itong mahigpit na babala laban sa mga rice smugglers at hoarders.

Determinado si Pangulong Marcos na wakasan ang mga smuggler at hoarder ng bigas sa Pilipinas.

Sa isang talumpati sa rice distribution event sa lungsod ng Maynila nitong Martes, ipinag-utos ni Pangulong Marcos sa lahat ng opisyal, awtoridad, at ahensiya ng gobyerno na mahigpit na ipatupad ang mga patakaran at batas para matugunan ang mga isyu sa bigas sa bansa.

‘‘Asahan po ninyo na hindi kami titigil sa patuloy na pagbuwag sa mga smuggler at hoarder na nagpapahirap sa taong-bayan. Alam ko pong magiging mahirap ang labang ito dahil matagal na silang namamayagpag sa kalakaran, ngunit desidido po ako na ang buong puwersa ng pamahalaan na matigil na ang mga ilegal na operasyong ito,’’ ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Inilarawan naman ng Punong Ehekutibo ang smuggling at hoarding bilang bukbok na aniya’y lubhang sumisira sa balanse ng suplay at presyo ng bigas sa merkado.

‘‘Ang bukbok na lubos na sumisira sa balanse ng suplay at presyo ng bigas sa merkado [ay] ang hoarding at saka ang smuggling, at price manipulation na ginagawa ng mapagsamantalang mga negosyante,” dagdag ng Pangulo.

Tiniyak ng Punong Ehekutibo na walang puwang ang mga smuggler, hoarder at price manipulator sa kampanya ng administrasyong “Bagong Pilipinas”.

Aniya, walang humpay na habulin ng gobyerno ang mga ito para matiyak ang abot-kayang pangunahing pagkain para sa mamamayang Pilipino.

Muli namang binigyang-diin ni Pangulong Marcos na sapat ang suplay ng bigas sa Pilipinas.

Ang kailangan lamang ay maayos na pamamahala ng produksiyon at bentahan nito.

Sa katunayan, ani Pangulong Marcos, mas malaki ang ani noong 2nd quarter ngayong taon kaysa sa 2nd quarter ng nakalipas na taon.

PBBM, pinangunahan ang pamimigay ng 1,000 sako ng smuggled rice sa 4Ps sa Maynila

Ang pahayag ng Pangulo ay sa gitna ng kaniyang pamamahagi ng bigas sa 1,000 benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Bawat benepisyaryo ay tumanggap ng tig-25 kilo ng bigas.

Si Mang Roberto na hirap na sa paghahanap ng pangkabuhayan ay isa sa mga benepisyaryo ng 4Ps na nakatanggap ng sako ng bigas.

Nagpasalamat din ang iba pang mga benepisyaryo sa tulong na ipinagkaloob ng pamahalaan.

Ang 1,000 sako ng bigas na ipinamigay ng gobyerno ay bahagi ng 42,180 sako ng bigas na nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa isang operasyon sa Zamboanga City, na kalaunan ay naibigay sa DSWD, matapos mabigo ang mga importer na patunayan ang legalidad ng importasyon nito.

Nauna nang namahagi ng bigas si Pangulong Marcos sa mga benepisyaryo ng 4Ps sa Tungawan, Zamboanga Sibugay; Iriga City, Camarines Sur; at General Trias, Cavite.

Ang rice distribution ay bilang katuparan sa isinusulong ng gobyerno na tugunan ang mga hamon sa usapin ng food security.

Patuloy ring gumagawa ng mga kongkretong solusyon ang pamahalaan upang matugunan ang mga problemang kinakaharap ng sektor ng agrikultura.

‘‘Patuloy pa rin ang ating pagsulong para sa modernisasyon ng pagsasaka—mula sa pagbibigay ng makabagong makinarya, imprastraktura, pananaliksik, hanggang sa pagtatanim, processing, distribution, marketing, hanggang retail po—upang madagdagan ang suplay at ng ani,’’ ani Pangulong Marcos.

Hinimok din ng Pangulo ang mamamayang Pilipino na makiisa sa gobyerno sa laban para sa tagumpay na maisaayos ang agrikultura at maisakatuparan ang pangarap na magkaroon ng isang matatag, maginhawa, at panatag na buhay ang bawat Pilipino.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter