TINIYAK ng Malacañang na makatatanggap ng suplay ng COVID-19 vaccine maging ang mga mahihirap na Local Government Units (LGUs) sa bansa.
Ito ang siniguro ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque sa gitna ng paglalaan ng pondo ng mga alkalde sa Metro Manila para sa COVID-19 vaccine ng kani-kanilang constituents.
Paliwanag ng kalihim, mismong ang National Task Force on COVID-19 ang bibili ng bakuna para sa lahat ng Pilipino.
Sadyang mayroon lamang aniyang mga LGUs na nais tumulong sa national government na may sapat na pondo at kakayahan upang mag-secure ng sarili nitong suplay ng bakuna.
Bagay na aniya, isang malaking tulong sa national government upang mas mabilis na makarating sa taumbayan ang bakuna.
Magugunitang sunod-sunod nang nag-anunsyo ang mga alkalde sa Metro Manila ng kanilang pondong ilalaan para sa bakuna kontra COVID-19.
Ngayon araw, ay inanunsyo na rin ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez lumagda na rin ang lungsod ng kasunduan sa British drug maker AstraZeneca para sa pagbili ng COVID-19 vaccine na nasa 200,000 doses.