INATASAN ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ang Department of Education (DepEd) at iba pang kinauukulang ahensya ng pamahalaan na gumawa ng mga kinakailangang paghahanda at pagpaplano para sa pagbubukas ng face-to-face (F2F) classes ngayong taon.
Ang kautusan ay para matugunan ang mga isyu na maaaring mangyari sa pagbabalik-paaralan ng milyun-milyong estudyante sa buong bansa.
Sa Cabinet meeting sa Malacañang kahapon, tinanong ni Pangulong Marcos si Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa mga plano ng DepEd para tugunan ang ilang mga hamon gaya ng pagkakaroon ng mga silid-aralan, guro at iba pang concerns.
Sinabi rin ng Pangulo na magpapatuloy ang blended learning pagkatapos ng Oktubre 31 ngunit sa piling mga lugar lamang.
Tiniyak naman ni VP Sara na maghahanda ito ng plano kung ano ang gagawin pagkatapos ng Oktubre 31.