BALIK-normal na ang operasyon ng buong linya ng Metro Rail Transit (MRT-3), simula Lunes ng umaga, Abril 10.
Ito’y matapos ang 4 na araw na maintenance activities, mula noong Abril 6 – 9 ng Semana Santa.
Ayon sa pamunuan ng MRT-3, kasama sa inayos sa nakalipas na araw ay ang track signaling at communication system ng MRT-3.
Personal na ininspeksiyon ni Assistant Secretary for Railways at MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette Aquino ang mga maintenance facilities.
Kabilang ang cleaning area, depo warehouse kung saan nakaimbak ang spare parts ng tren at depo station na kinaroroonan ng power supply equipment.
Inayos ng MRT-3 ang rail tracks ng tren sa Guadalupe Station upang mas maging maayos at ligtas ang biyahe.
Ginagamitan din ng multical grinder ang rail track ng tren sa pagitan ng Santolan at Ortigas Station.
Samantala, pinuri naman ni Aquino ang dedikasyon ng mga manggagawa tulad ng mga contract-of -service personnel ng Light Rail Transit Authority (LRTA), Department of Transportation (DOTr)-MRT-3, at Light Rail Manila Corporation (LRMC).
Pinasalamatan nito, ang naging dedikasyon at pagsisikap sa trabaho lalo na sa nakalipas na Semana Santa na imbes na magpahinga o magbakasyon kasama ang pamilya ay mas pinili ang magtrabaho.
Ito’y para masiguro na magiging kumportable at ligtas ang biyahe ng mga mananakay tuwing sasakay ng tren.
“Transportation Secretary Jaime Bautista and Undersecretary for Railways Cesar Chavez, Would like all of you to know that your efforts do not go unnoticed as they express their sincere appreciation and gratitude,” saad ni Assistant Secretary for Railways & MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette Aquino.