Major cities sa bansa, target isunod sa gagawing ‘Resbakuna sa Botika’ program

Major cities sa bansa, target isunod sa gagawing ‘Resbakuna sa Botika’ program

IBINAHAGI ng National Task Force against COVID-19 na kinokonsidera rin nilang  maipasama sa ‘Resbakuna sa Botika’ program ang iba pang lugar sa bansa sa susunod na linggo.

Balak ng pamahalaan na palawakin pa ang implementasyon ng pilot run ng bakunahan kontra COVID-19 sa mga botika na magsisimula sa National Capital Region (NCR).

Aarangkada na ngayong araw ang symbolic vaccination sa apat na botika sa Metro Manila.

Ayon kay National Task Force against COVID-19 Deputy Chief Implementer Secretary Vince Dizon, pagkatapos nitong pilot run sa NCR ay ang mga malalaking siyudad sa Luzon, Visayas, at sa Mindanao naman ang target ng ‘Resbakuna sa Botika’ program ng gobyerno.

Idinagdag pa ni Dizon na marahil sa loob lamang ng isa o dalawang linggo, ay mapapalawak na sa mga major cities ng bansa ang naturang programa.

“So, magbibigay po tayo ng report niyan sa susunod na linggo kapag nasimulan na natin ang pilot sa NCR. Pero immediate ho iyan, baka sa loob lamang ng isa o dalawang linggo eh mag-i-expand na tayo sa mga major cities – Luzon, Visayas, and Mindanao. Abangan na lang po natin ang listahan ng mga iba’t ibang botika,” pahayag ni Dizon.

Inaasahan namang iaanunsyo ng pamahalaan sa susunod na linggo ang sinasabing listahan ng iba’t ibang mga botika na target gawing vaccination centers.

Pamahalaan, pinag-uusapan ang pagbibigay ng insentibo sa vaccinators sa botika

Samantala, pinag-uusapan na rin ng pamahalaan ang posibleng pagbibigay ng insentibo sa vaccinators sa botika.

Pinasalamatan ni Dizon ang mga pharmacist na nag-volunteer ng serbisyo nila para magturok ng COVID vaccine sa kanilang botika.

Katumbas naman nito, ay tiniyak ni Dizon na pag-uusapan na rin nila kasama ang Department of Health (DOH) kung ano ang pupuwedeng insentibo na ibibigay sa mga vaccinator na pharmacists.

Sa ngayon 5 botika at 2 klinika pa lamang sa NCR ang kasali sa pilot run.

Bukas, araw ng Biyernes ay bubuksan naman ng pamahalaan ang bakunahan sa tatlo pa, na kinabibilangan ng isang botika at dalawang clinic para sa symbolic vaccination.

Kaugnay nito, patuloy na hinihikayat ng gobyerno ang mamamayan na magtungo na sa mga vaccination site lalo na kapag nag-rollout na ang bakunahan sa mas maraming botika sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas.

Iginiit ni Secretary Dizon na responsibilidad ng bawat isa ang pagpapabakuna dahil ito lamang aniya ang paraan para talagang tuluyang matapos ang problema sa COVID-19.

Follow SMNI News on Twitter