MAY palibreng sine ang lokal na pamahalaan ng Makati para sa senior citizens simula ngayong buwan ng Hunyo.
Sa pagbubukas pa lamang ng mall araw ng Lunes ay diretso na sa sinehan sa Makati ang ilang senior citizens.
Sila ay maaga pa para makapanood ng sine nang libre.
Hunyo 1, 2023 ay muling inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Makati ang programang libreng sine para sa 82,617 senior citizens sa lungsod na active BluCard members at Makatizen Virtual Card holders.
Ang paglulunsad na isinagawa sa Glorietta 4 ay pinangunahan mismo ni Makati Mayor Abby Binay.
Ang nasabing programa ay pansamantalang itinigil nang magsimula ang pandemya noong 2020 upang tiyakin ang kaligtasan ng mga senior Makatizen.
Ayon kay Mayor Binay, layon ng lungsod na makapagbigay ng kasiyahan sa kanila at pagkakataong makasalamuha ang kanilang mga kaibigan, matapos ang ilang taong paghihintay.
Ang libreng sine para sa senior Makatizens ay available sa Glorietta, Greenbelt, at Circuit Makati, tatlong beses sa isang araw para sa una at ikalawang screenings.
Hinikayat ang mga active BluCard members at Makatizen Card holders na i-download ang kanilang Makatizen Virtual Card sa https://mymakatizencard.ph/virtualcard upang ma-scan ng cinema partners ang kanilang Makatizen Virtual Card QR codes kapag manonood sila ng sine.
BluCard Holders na Makatizens, makakatanggap ng cash gift ngayong buwan
Samantala, matatanggap na ng BluCard holders ang kanilang mid-year cash gift ngayong Hunyo na direkta mula sa kanilang GCash accounts, ayon sa alkalde.
Sa ilalim ng BluCard program, tumatanggap ng cash gift na ibinibigay ng dalawang installments (Hunyo at Disyembre) kada taon ang registered senior citizens ayon sa sumusunod:
P3-K para sa may edad 60 – 69;
4-K para 70 – 79 taong gulang;
5-K naman para sa 80 – 89 taong gulang;
Bukod pa ito sa P100-K para sa senior na umabot sa 100 taong gulang.