GOODBYE Senado na at pagsabak naman sa lokal na eleksiyon sa Makati City sa 2025 ang focus ngayon ni Sen. Nancy Binay.
Naghain na nga ang senadora ng kandidatura sa pagka-alkalde sa nasabing lungsod na nasa huling termino na niya sa Senado.
At sa napipintong pag-alis ni Sen. Nancy, isang Binay na naman ang sasabak sa senatorial race – ang kaniyang nakababatang kapatid na si Makati Mayor Abby Binay.
Tiwala si Nancy sa kakayahan ng kapatid na maging senador.
“Paulit-ulit ko naman, I’ve always stated na magkapatid kami. Tingin ko naman very qualified siya as senator. So ako ay susuporta bilang Ate Nancy,” pahayag ni Senator Nancy Binay.
Dating Mayor Junjun Binay, suportado si Mayor Abby sa pagsabak nito sa senatorial race
Ang dating nakaalitan naman na kapatid ni Mayor Abby noong 2019 elections sa Makati na si Junjun, suportado rin ang mayora sa pagtakbo nito sa Senado.
“Just the same, gaya nung sinabi dati ng ate ko, si Ate Nancy, na tutulong kami. Tutulungan natin si Ate Abs na siya naman ‘yung maging pumalit doon sa Senado,” wika ni Junjun Binay, Dating Makati Mayor.
Kasabay ng pagsuporta ng buong pamilya Binay ay ang pakiusap naman ni Junjun kay Mayor Abby na suportahan din sana ang kanilang ate sa pagka-alkalde sa Makati.
Posibleng makatapat ni Sen. Nancy ang asawa ng kaniyang kapatid na si Makati Representative Luis Campos.
Umaasa ang senadora na hindi siya kakalabanin ni Campos habang pakiusap naman ni Junjun sa kanilang brother-in-law na galangin ang desisyon ng kanilang ama na si dating Bise Presidente Jejomar Binay na si Sen. Nancy ang napili nito sa mayoral race.
Samantala, may plano naman kaya si Junjun na muling sumabak sa politika?
“Ako? Kutsara tinidor lang ang… You know, we’ll see. For me ang importante ay si Ate Nancy,” dagdag ni dating Makati Mayor Junjun.