Makati Mayor sa Taguig City: Hindi pa tapos ang laban

Makati Mayor sa Taguig City: Hindi pa tapos ang laban

‘HINDI pa tapos ang laban’, ang komento ngayon ni Makati City Mayor Abby Binay hinggil sa land dispute ng siyudad laban sa Taguig City.

Abril ngayong taon nang katigan ng Korte Suprema ang Taguig City sa isyu nito ng agawan sa teritoryo sa pagitan ng Makati City.

Ayon sa Supreme Court (SC), walang magiging pagbabago sa nauna nilang pasya para katigan ang claim ng Taguig sa Bonifacio Global City (BGC) pati na ang ilang barangay ng Makati.

2021 nang unang magdesisyon ang Supreme Court pabor sa Taguig para igiit ang jurisdiction nila sa nabanggit na mga lugar.

Ayon sa Supreme Court, batay sa historical facts at survey evidence, lumabas na mas matimbang ang mga ebidensiyang iprinisinta ng Taguig.

“Considering the historical evidence adduced, cadastral surveys submitted, and the contemporaneous acts of lawful authorities. We find that Taguig presented evidence that is more convincing and worthier of belief than those proffered by Makati,” pahayag ng Supreme Court.

Pero, pinarerekonsidera ng Makati LGU ang pasya ng SC.

Lalo na’t hagip sa claim ng Taguig ang ilang barangay ng Makati.

Kabilang dito ang Barangays Pembo, Comembo, Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo, at Pitogo.

Nang matanong naman si Mayora Abby Binay sa isyu, saad nito na hindi pa tapos ang laban.

“The case is still pending so hindi pa tapos ang laban,” saad ni Mayor Abby Binay, Makati City.

Diin ni Binay, ipaglalaban pa rin nila ang claim ng Makati LGU.

Lalo pa at may pending motion pa sila sa SC kahit pa naunang sinabi ng high court na wala nang communication o mosyon silang tatanggapin sa isyu.

“Meron kaming pending motion so we are waiting for the Supreme Court to schedule the hearing on our motion… So hindi pa tapos,” dagdag ni Binay.

Nauna nang sinabi ng Taguig LGU na ang paborableng desisyon ng Korte Suprema ay hudyat ng panibagong yugto ng siyudad at ng mga residente nito.

“Our victory in the courts of law is not merely a vindication of our rights. It is equally a command for us to make good use of this once-in-a-lifetime opportunity to expand our brand of committed public service to new constituents. We welcome our new Taguigeños with this solemn promise,” pahayag ng Taguig City Government.

Pero ayon kay Mayor Binay, kahit balikan pa ang kasaysayan, alam aniya ng Makatizens ang totoo sa isyu ng agawan sa teritoryo.

“Siyempre lalaban… Hindi naman kami pwedeng hindi lumaban dahil yun ang aking distrito. At simula’t sapul naman kahit interviewhin niyo po yung mga ninu-ninuno niyo alam niyo naman kung saan talaga ba yung mga M,” ayon pa kay Binay.

Ang agawan sa teritoryo ng Taguig at Makati ay matagal nang isyu.

Ang Taguig ay orihinal na sakop ng Rizal, habang ang Makati ay sakop noon ng Maynila.

Ngunit sa paglipas ng panahon ay nagkaroon ng mga pagbabago sa boundary ng bawat lungsod na sanhi ngayon ng agawan sa teritoryo.

1990’s pa nang magsimula ang hidwaan ng dalawang siyudad sa kung sino ang may karapatan sa Barangay Fort Bonifacio.

Ang barangay kung saan nasa lokasyon ngayon ng BGC ay tahanan ng ilang multinational companies at premyadong address ng mga nakakaangat sa Pilipinas.

Follow SMNI NEWS in Twitter