MAGBIBIGAY ang Lungsod ng Makati ng libreng bakuna kontra COVID-19 para sa mga manggagawa nito kahit na hindi residente ang mga ito ng lungsod.
Ayon kay Makati City Mayor Abby Binay, ang libreng COVID-19 vaccination program ng lungsod ay sakop pati na ang mga empleyado ng mga rehistradong negosyo sa lugar.
Sinabi din ni Binay na ang isang bilyong pisong pondo ng lungsod pati na ang bakuna na manggagaling sa nasyonal na pamahalaan ay sapat na para sa lahat ng negosyo sa Makati simula micro, small, at medium enterprises hanggang sa malakihang kompanya.
Ani Binay, gagamitin nila ang bilang ng empleyado na dineklara ng mga negosyo sa kanilang business permit applications bilang basehan para sa bilang ng mga empleyado na mababakunahan ng libre.
Dagdag ni Binay, ito ang paraan nila upang matulungan ang kanilang mga economic front-liners.
Ngunit paliwanag ni Binay, ang mga negosyo ay kailangang mayroong 2021 business permit at updated na tax payments kabilang na ang mga nagbayad ng installments upang mapasama ang mga empleyado ng mga ito sa listahan ng free vaccination program.