TAKAW-pansin ang mala-bahagharing ulap o “iridescent clouds,” na tinatawag ding “fire rainbows” o “rainbow clouds,” na nasilayan ng mga residente sa bayan ng Luna, Apayao. Ang nakamamanghang tanawin ay nakuhanan ni Jomar Malubay, isang residente ng lugar, noong hapon ng Biyernes, Hunyo 20.
Ayon sa PAGASA, nagkakaroon ng ganitong makukulay na ulap kapag tinatamaan ng sinag ng araw ang mga ice crystals o water droplets sa ulap, na nagreresulta ng mala-bahagharing liwanag.
Ang pambihirang pangyayaring ito ay hindi lamang ikinamangha ng mga residente ng Apayao, kundi maging ng mga netizen na nakakita sa larawan sa social media.