Malacañang Heritage Tours, bukas sa publiko simula Hunyo

Malacañang Heritage Tours, bukas sa publiko simula Hunyo

ATING silipin ang mga bagong museo na matatagpuan sa Malacañang Complex kung saan tampok ang buhay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. at mga nagdaang pangulo ng bansa.

Sa tuwing nababanggit ang Palasyo ng Malacañang ay hindi na maisasantabi na makikita ang tahanan at opisina ng pinakamataas na opisyal ng bansa.

Kaya naman inilunsad ng Malacañang ang isang heritage tours na magbibigay pagkakataon sa mga kababayan nating mapasok ang ilang antigong bahay na ginawang mga museo.

Ang Bahay Ugnayan ay isa sa mga makasaysayang bahay na makikita sa loob ng Malacañang Complex.

Tampok sa Bahay Ugnayan ang naging paglalakbay ni Pangulong Marcos patungong Malacañang.

Bubungad sa iyong pagpasok sa Bahay Ugnayan ang larawan ng Pamilyang Marcos noong unang pag-akyat nito sa Malacañang, kung saan makikita sa black and white picture ni Pangulong Ferdinand E. Marcos, Sr. at sa pangalawang larawan naman ay si Pangulong Marcos, Jr kasama ang pamilya.

Pag-akyat sa Bahay Ugnayan ay makikita ang mga larawan nang mag-aral si Pangulong Marcos ng kindergarten sa Institucion Teresiana at grade school naman sa La Salle Green Hills.

Sa huling taon ni Pangulong Marcos sa La Salle ay nagdesisyon ang kaniyang mga magulang na ipadala siya sa ibang bansa upang mamuhay ng normal at hindi makulong sa pribilehiyo bilang anak ng pangulo ng Pilipinas kung saan siya ay nag-aral sa Worth School, isang all boys school sa West Sussex, England na matatagpuan sa loob ng Benedictine Monastery.

Makikita rin sa Bahay Ugayan ang kopya ng Special Diploma in Social Studies ni Pangulong Marcos mula sa University of Oxford.

Nag-apply naman ng Master’s Degree in Business Administration si Pangulong Marcos sa Wharton School sa Pennsylvania USA sa edad na 23, pero hindi nito natapos dahil naluklok ito bilang bise gobernador ng Ilocos Norte.

Dito na nagsimula ang buhay sa politika ni Pangulong Marcos hanggang naging congressman, senador, at hanggang sa pagtakbo niya noong 2022 bilang pangulo ng Pilipinas.

Bahay Ugnayan, tampok ang ‘Road to Malacañang’ ni PBBM

Itinatampok din sa Bahay Ugnayan ang mga election memorabilia at ang mga hindi malilimutang tagpo noong panahon ng kampanya.

Isa na rito ang larawan nina Pangulong Marcos at Vice President Sara Duterte kung paano nagsimula ang kanilang tandem sa UniTeam.

Kuha naman sa isang larawan na nasa loob ng sasakyan si Pangulong Marcos kaharap ang kaniyang laptop – ang makasaysayang pag-uusap nila ni VP Sara nang tanggapin ang alok nitong maging tandem sa halalan.

Isa rin sa mga hindi makalilimutang tagpo sa kampanya ni Pangulong Marcos ang makikita sa glass wall na kung saan mababasa ang naging liham ng isang fish vendor na nakilala niya sa pangangampanya sa Navotas noong 2022.

Naging viral ang kanilang pagkikita dahil ibinigay ng fish vendor na si Nanay Clemencia Garcia ang kaniyang naipong kita para makatulong sa pangangampanya ng UniTeam na binubuo ng tandem nina Pangulong Marcos at VP Sara Duterte.

Pilit na ibinalik ni Marcos ang pera at kunin na lamang ang kaniyang liham ngunit nanindigan si Nanay Clemencia na kunin ang ibinigay na pera dahil tulong na aniya ito sa kampanya ng pangulo.

Makikita rin ang nagsilbing studio ni Pangulong Marcos para sa kaniyang mga vlog noong kasagsagan ng lockdown ng COVID-19 pandemic sa bansa.

Makikita rin sa Bahay Ugnayan ang sasakyang ginamit ni Pangulong Marcos tuwing nagsasagawa ito ng motorcade noong panahon ng kampanya.

Maaari ding bumili ng souvenir ang mga nais bumisita sa Bahay Ugnayan sa museum shop.

Teus Mansion, ang bagong tahanan ng Presidential Museum

Sa Teus Mansion ang bagong tahanan ng Presidential Museum kung saan tampok ang legasiya ng mga nagdaang pangulo ng Pilipinas.

Makikita ang bust ng mga pangulo ng bansa mula kay Emilio Aguinaldo hanggang kay Dating Pangulong Rodrigo R. Duterte.

May kuwarto ang bawat nagdaang pangulo kung saan makikita ang mga mahahalagang gamit nito at mga naiwang legasiya na nais ipasilip sa bawat Pilipino.

Goldenberg Mansion sa Malacañang, unti-unti nang bumabalik sa dating ganda

Ang Goldenberg Mansion ay nagsilbing Guest House noong panahon ng Pamilyang Marcos.

Libre ang heritage tour para sa publiko simula Hunyo 1, 9am – 4pm.

Para sa mga nais magtanong at malaman ang karagdagang detalye ay tawagan lamang ang

(02) 8735 6080 o magpadala ng email sa sosec@malacañang.gov.ph.

Ito na ang pagkakataon ng publiko na mas mapalalim pa ang kanilang kaalaman sa mga naging pinuno ng ating bansa.

Kaya, inaanyayahan ng Malacañang at ang mga tampok na pamana ng bayan sa Malacañang Heritage Tours.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter