IDINEKLARA ng Malacañang ang Hulyo ng bawat taon bilang Philippine Agriculturists’ Month.
Ito ay sa ilalim ng Proclamation No. 544 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Mayo 10.
Layunin ng proklamasyon na parangalan ang dedikasyon ng mga agriculturist at itaas ang kamalayan sa kahalagahan ng sektor ng agrikultura.
Ang Manila School of Agriculture, ayon sa proklamasyon, na itinatag noong Hulyo 1989, ay magbibigay ng teoretikal at praktikal na edukasyon sa mga bihasang magsasaka at tagapangasiwa.
Magtataguyod rin ito ng pag-unlad ng agrikultura sa Pilipinas sa pamamagitan ng obserbasyon, eksperimento at pagsisiyasat tungo sa mas malalim na kamalayan at pag-unawa sa Philippine agriculture.
Nang sa gayo’y magiging daan ito para pormal na maging kursong pang-edukasyon ang agrikultura sa Pilipinas.
Sa kabilang dako, inatasan ang Department of Agriculture (DA) at ang Professional Regulation Commission (PRC) at ang Board of Agriculture nito na manguna, mag-uugnay, at mangasiwa sa pagdiriwang ng Philippine Agriculturists’ Month.
Binigyan din ang mga ito ng direktiba na tukuyin ang mga programa, aktibidad, at proyekto para sa taunang pagdiriwang.
Nakasaad din sa proklamasyon na ang lahat ng mga ahensiya at instrumentalidad ng national government kabilang ang government-owned or -controlled corporations, government financial institutions, state universities and colleges gayundin ang local government units at ang private sector ay sinabihan at hinihikayat na magbigay ng kinakailangang suporta at tulong.