Malakanyang, ginarantiya na hindi maba-bankrupt ang PhilHealth

Malakanyang, ginarantiya na hindi maba-bankrupt ang PhilHealth

NAGBIGAY-garantiya ang Palasyo na hindi maba-bankrupt ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa kabila ng kinakaharap na COVID-19 pandemic na sinasabayan pa ng mga alegasyon ng katiwalian sa korporasyon.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, hindi maba-bankrupt ang PhilHealth gayong nasa ilalim ito ng garantiya ng gobyerno.

Gayunman, sakaling hindi magiging sapat ang badyet ng PhilHealth, sinabi ni Roque na ang gobyerno ang magdaragdag ng pondo sa ahensya na kukunin sa kaban ng mamamayang Pilipino o papasok dito ang government subsidy.

Iginiit din ng tagapagsalita ng Palasyo na hindi makapapayag si Pangulong Rodrigo Duterte na mauuwi sa bankrupt ang health insurance ng taumbayan.

Sinabi naman ni Nerissa Santiago, Acting PhilHealth Senior Vice President, at Concurrent Vice President ng Data Protection Officer ng PhilHealth na wala nang reserve funds ang ahensiya para sa susunod na taon sa harap ng umano’y iregularidad na nangyayari sa korporasyon.

Sa kabilang banda, ipinauubaya na ng PhilHealth kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtatalaga ng pansamantalang liderato upang mangangasiwa sa ahensya habang sumasailalim sa imbestigasyon ang ilan sa kanilang matataas na opisyal.

Inihayag ni PhilHealth spokesperson Shirley Domingo, kaya pa naman gampanan ni President and CEO Ricardo Morales ang tungkulin nito sa kabila ng kanyang medikal na kondisyon, pero kailangan aniya nitong magpahinga dahil sumasailalim ito sa chemotherapy.

Kamakailan lang isinapubliko ni Morales na na-diagnose ito sa sakit na cancer habang ang Executive Vice President naman nilang si Arnel De Jesus ay nag-abiso ring may medical emergency, dahilan kaya hindi pisikal na makadadalo sa pagpapatuloy ng Senate hearing Agosto 11.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.