TIWALA ang Palasyo ng Malakanyang na muling makababangon ang ekonomiya ng Pilipinas ngayong taon.
Ito’y makaraang naganap ang economic recession noong nakaraang taon bunsod ng pandemyang dulot ng coronavirus disease o COVID 19.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, bagaman malayo sa pigura na inaasam ng administrasyon, kumpyansa pa rin ang economic managers na makarekober ang ekonomiya ng bansa kasabay ng unti-unting pagbubukas ng maraming mga negosyo.
“While these are far from what we desire, the administration’s economic managers are hopeful that the economy will be on a rebound next year,” pahayag ni Roque.
Binigyang-diin ng kalihim na talaga aniyang napaka-challenging para sa pamahalaan ang taong 2020 dahil maliban sa nararanasang pandemya, ay magkakasunod na mga kalamidad pa ang tumama sa bansa, na siyang malaking dahilan ng pagkalugmok ng ekonomiya.
Sa ikalawang kwarter noong nakaraang taon, naitala ang -16.9% na pagbaba ng ekonomiya ng Pilipinas kasabay ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
“The Philippine economy registered a -16.9 percent in the second quarter of 2020 when we are in the most stringent form of lockdown due to the coronavirus,” ayon pa kay Roque.
Gayunpaman, nagkaroon naman ito ng improvement pagdating ng ikatlong kwarter ng 2020 nang buksan ang ilang industriya at mga negosyo kasama pa ang pagpayag ng gobyerno sa dahan-dahan na muling pagbabalik-pasada ng mga pampublikong transportasyon.
Itinuturing naman ito ng Malakanyang na ‘welcome news’ at ikinokonsiderang simula na ito ng economic recovery kahit pa nananatiling negatibo ang datos ng ekonomiya.
Dagdag pa ni Roque, nagpapatunay lamang din na epektibo ang mga stratehiya na ginagawa ng pamahalaan.
Bukod dito, inihayag din ng Palasyo na ang paglatag ng Philippine National Vaccine Roadmap ng gobyerno kasabay ng pagkatalaga kay National Task Force Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr. bilang vaccine czar, ay nakatutulong na maging positibo ang pananaw ng mga Pilipino na maibabangon muli ang Pilipinas ngayong taon.