Malakanyang, nanindigan na hindi magpapatupad ng total travel ban sa bansa

MALABONG magpapatupad ng total travel ban sa bansa ayon sa iginiit ng Malakanyang sa gitna na ng pangamba na posibleng may makapasok muli na bagong variant ng coronavirus.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi pagbabawalan ang mga Pilipino na umuwi sa Pilipinas dahil saklaw ito ng right to travel na kinikilala ng Korte Suprema.

Gayunpaman, nagpatupad ang gobyerno ng hakbangin para bigyang proteksyon ang sambayanang Pilipino laban sa bagong variant ng COVID-19.

Kasama rito ang pagpapatupad ng 14-day quarantine kahit magnegatibo pa sa RT-PCR test ang returning Filipinos.

Dagdag pa ni Roque, tanging travel restrictions lamang ang ipinaiiral sa 33 mga bansa na nakapagtala na ng new COVID-19 variant kung saan exempted dito ang mga OFW at returning Filipinos.

Samantala, base sa ginawang pag-aaral ng market research company na Yougov at travel leisure platform na Klook, nanguna ang Pilipinas sa malubhang naapektuhan ng total travel ban dulot ng pandemya.

Lumabas sa pag-aaral na nasa pinakamataas na puwesto ang mga Pilipino mula sa 13 mga lahi sa Asia Pacific na nagsabing malungkot sila dahil hindi nakabiyahe nitong nakalipas na mga buwan.

Nasa 89% ng mga Pilipino respondents ang nagsabing malungkot sila makaraang hindi makabiyahe upang makapiling ang kanilang pamilya.

Ito ay sinundan naman ng Indonesian at Malaysian na mayroong 87%, Australia na 86% at Hong Kong na 85%.

SMNI NEWS