WALA pa ring susuportahang kandidato sa pagka-presidente si Pangulong Rodrigo Roa Duterte para sa eleksyon sa Mayo.
Ito ang nilinaw ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary at Acting Presidential Spokesperson Martin Andanar.
Matatandaang sinabi ni Pangulong Duterte sa isang event sa Ilocos Sur na ipinauubaya na niya sa mga tao kung sinong Ilokanong lider ang iluluklok nila sa Malakanyang.
Paliwanag naman ni Andanar sa pahayag na ito, mahilig lamang maglaro ng salita ang Punong-Ehekutibo at batid ito ng lahat.
Giit pa ng Palace official, ilang beses na ring binanggit ni Pangulong Duterte na wala itong i-endorsong political candidate maliban na lamang kung may kadahilanan na magpapabago ng kanyang pasya.
Kung kaya, mas mainam na lamang ani Andanar, na hintayin ang magiging desisyon ng Chief Executive patungkol sa naturang usapin.
Hindi man nabanggit, pero si presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos, ang tanging Ilokanong kandidato na tumatakbo sa pinakamataas na posisyon sa bansa.
Operasyon ng e-sabong, tuloy ayon sa Malacañang
TULOY ang operasyon ng e-sabong ayon sa Malacañang habang pinakikilos ang Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng insidente ng pagkawala ng mga sabungero.
Naka-address ang memorandum kina Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra, at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chairman Andrea Domingo.
Base sa memorandum, tuloy ang operasyon ng e-sabong habang nagsasagawa ang NBI at PNP ng imbestigasyon sa tinaguriang ‘missing sabungeros’.
Obligado ang PNP at NBI na isumite ang kanilang report 30 araw pagkatapos na mailabas ang memo.
Sa kabilang dako ay inaatasan naman ang PAGCOR na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa sinasabing paglabag ng mga operator ng e-sabong.
Kaugnay nito kailangan din aniyang matiyak ng PAGCOR na nakatutugon ang mga kinauukulan sa security and surveillance requirements sa ilalim ng Regulatory Framework for E-Sabong Cockpit Betting Station.