Malakanyang, umaasang hindi na pag-uusapan ang polisiya ni Duterte sa vaccination program

UMAPELA ang Palasyo ng Malakanyang na sana ay huwag nang pagdudahan ang polisiya ni Pangulong Rodrigo Duterte pagdating sa vaccination program ng pamahalaan.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na kung wala ang polisiyang ito ng punong ehekutibo, ay marahil wala pang bakuna kontra COVID-19 hanggang sa ngayon.

“Sana po wala ng magdududa na tama po ang ginawang polisiya ng ating Presidente dahil kung wala po itong polisiyang ito, wala nga pong bakuna ngayon,” pahayag ni Roque.

Ipinunto rito ni Roque na kung walang tinatawag na independent foreign policy ni Pangulong Duterte, hindi makatatanggap ng donasyon ang bansa ng hindi lamang ng 600,000 dosis ng Sinovac mula China, kundi one million dosis.

Bukod pa sa Estados Unidos, kung hindi rin nakipagkaibigan ang Philippine government sa mga bansa ngayon ng European Union kagaya ng United Kingdom, Germany, France, Italy, Norway, at iba pa, hindi pa sana makakukuha ng bakuna ang Pilipinas na galing sa COVAX Facility.

“Kung tayo po ay nag-rely lamang po doon sa dati nating sinasandalan na bansa, hanggang ngayon po wala sana tayong natanggap dahil ngayon po ang mga bakuna natin galing China at galing po ng Europa,” ani Roque.

Kung kaya, lubos ang pasasalamat ng Malakanyang sa iba’t-ibang mga bansa na tumulong para makarating ang bakuna sa Pilipinas.

Patuloy ding pinasasalamatan ni Secretary Roque ang mga taga Davao dahil sa aniya’y pagpapahiram kay Pangulong Duterte na mamuno sa buong sambayanang Pilipino.

“Kung hindi po ngayon ipinahiram sa bansang Pilipinas ng Davao ang ating Presidente siguro po ngayon wala pa ring bakuna,” ayon pa ni Roque.

Samantala, binati naman ng tagapagsalita ng Palasyo ang Southern Philippines Medical Center o SPMC kung saan itinuturing nitong makasaysayan ngayon dahil sa nasabing ospital magmumula ang bakuna sa buong Mindanao.

Sa kabilang dako, ipinabatid naman ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez na kasalukuyan nang tinatrabaho ng embahada ang patungkol sa procurement ng Moderna COVID- 19 vaccines sa US.

“Ngayon, ang aming tinatrabaho dito, iyong Moderna which is with the private sector diyan sa atin. We have already concluded the agreement, iyong supply na lang ‘no. We’re threshing out the supply kung kailan nila puwedeng i-deliver itong Moderna. Ito iyong medyo katumbas ng Pfizer,” ayon kay Romualdez.

Umaasa si Romualdez na maide-deliver na sa Pilipinas mula Estados Unidos ang unang batch ng bakunang Moderna sa katapusan ng Mayo o umpisa ng buwan ng Hunyo.

“And then of course, hindi naman sabay-sabay lahat iyong 20 million na ibinibigay natin sa Moderna, almost half of that will go to the private sector and their employees, malaking force iyan; and then the other half will go to our health workers, to all other or the rest of the Filipinos that would be receiving the Moderna; to the LGUs and other entities there in the Philippines,” aniya.

Sa ngayon, ani Ambassador Romualdez, nagdu-double-up na ng kanilang production ng COVID-19 vaccines ang Amerika.

Maliban sa target ng Estados Unidos na mabakunahan ang lahat ng Amerikano, naglalaan din ang US ng kontribusyon sa COVID vaccines sa COVAX Facility na siyang nagbibigay access sa iba pang mga bansa tulad ng Pilipinas.

SMNI NEWS