HINDI makatarungan para sa Palasyo ng Malakanyang na tanggalan ng pondo ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ito ang tugon ng Malakanyang sa panawagan ng mga senador na tanggalan ng pondo ang NTF-ELCAC at i-realign ang P19 bilyon para gawing cash subsidy.
Matatandaang, ikinadidismaya ng maraming mga senador ang red-tagging ni NTF ELCAC Spokesman Lt. General Antonio Parlade sa mga organizer ng community pantry.
Sa Tweet ni Sen. Joel Villanueva, sinabi niya na ang kasalukuyang P19 billion budget ng NTF-ELCAC sa susunod na budget ay ilaan para sa ayuda, habang ang pondo nito sa susunod na taon ay alisin na.
Inayunan naman ni Sen. Sherwin Gatchalian si Villanueva at sinabing kung ang ganitong klase ng tao ang gumagastos ng pinaghirapang buwis ng taumbayan ay hindi karapat-dapat bigyan ng pondo.
Pero mismong ang pinuno ng mataas na kapulungan ng Kongreso ay tumutol dito.
Ayon kay Senate Presidente Tito Sotto naniniwala siyang maganda ang programa ng NTF-ELCAC.
Sakali aniyang alisan ito pondo ay babalik lang muli sa mga rebelde ang mga napagtagumpayan na ng gobyerno.
Mungkahi ng senador, walang dapat na sinisisi sa programa.
Sa halip aniya na tanggalan ng pondo, ay palitan na lamang ang mga opisyal na ito.
Parlade, iginiit na hindi naiintindihan ng mga senador ang kanyang trabaho
Samantala, sa kanyang social media post, ipinagtataka mismo ni Lt. General Antonio Parlade Jr. ang mga akusasyon at galit ng mga senador at ilang opisyal ng pamahalaan sa kanyang mga pahayag bilang tagapagsalita ng NTF-ELCAC.
Giit ng heneral, wala siyang dapat na ikahiya sa kaniyang pinagsisilbihang institusyon, ang AFP sa loob ng 37 taong serbisyo nito.
Marami lang aniya ang hindi nakakaunawa sa kaniyang trabaho.
“Some senators have accused me of bringing SHAME to the AFP, the institution I serve for 37 years now. From the responses of our netizens, they see it differently. I could be wrong,” pahayag ni Parlade
Dagdag pa ng opisyal, marami aniya ang naghihimok sa kaniya na bumalik sa bundok at labanan ang karahasan dulot ng mga komunista sa bansa at huwag nang makialam sa pulitika.
Bagay ani Parlade na hindi naiintindihan ng lahat na pulitika rin ang dahilan ng pag-usbong ng mga komunista sa bansa at dapat na matukoy kung sinuman ang nasa likod ng mga nakukuhang suporta nito sa ilalim ng NTF-ELCAC program, pero ang ikinalulungkot at ipinagtataka nito, posibleng alisan na ng pondo ang programa ng gobyerno.
“Some want me to go back to fighting the insurgents instead of engaging in politics. Do senators understand that insurgency is political warfare? Do they really think killing the rebels, without exposing where these termites thrive, is the solution? NTF ELCAC is about to annihilate the mother queens, with a package of program called BDP. Now the NTF is being stopped by the OWNER of the HOUSE. Something smells fishy. Go figure,” ayon kay Parlade.
Hamon pa nito sa mga senador, dagdagan pa ang pirma na tumututol sa NTF-ELCAC bago ito magsalita.
“It’s past midnight and I’m wondering how many Senators have signed the Resolution #1 to defund the NTF ELCAC and cancel the Brgy Devt Program. I want to wait until the final list of Senators who have signed it is out, before I comment again. Meron pa kaya hahabol? I think that’s it,” ayon kay Parlade.
Sa kaniyang live TV program ni Pastor Apollo C. Quiboloy na Powerline, ikinadismaya rin nito ang desisyon ng mga senador na tuluyang alisan ng pondo ang programang lumalaban sa pagpuksa sa mga problema ng karahasan at komunismo sa bansa.
Giit pa ng butihing Pastor, dapat magkaisa ang lahat na pabagsakin, siraan at huwag suportahan ang mga propaganda ng mga makakaliwang grupo na layong siraan ang gobyerno.
Samantala, nauna nang nilinaw ni AFP Chief of Staff Cirilito Sobejana na iginagalang pa rin ng kanilang ahensya ang mga pahayag ni General Parlade bilang tagapagsalita ng NTF-ELCAC.
Sa huli, nanindigan si Parlade na matagal na siyang naghahanda ng pagbaba sa pwesto pero hindi aniya ito makahahadlang na ipagpatuloy ang kanyang laban mula sa mga mapanlinlang na komunista sa bansa.
(BASAHIN: Pondo ng NTF-ELCAC, mapupunta sa 822 na mga barangay —Badoy)